NAGING matagumpay ang pagdiriwang sa ika-149 taong kapanganakan ni Emilio Dizon Jacinto (1875-99). Ang Pilipinong naging heneral sa panahon ng rebolusyon. Isa siya sa may pinakamataas na ranggo ng samahang Kataas-taasang, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan (itinatag 1892). Nahalal siya bilang Kalihim ng Estado ng Haring Bayang Katagalugan, ang pamahalaang rebolusyonaryong itinatag sa panahon ng pagsiklab ng labanan at binansagang ‘Utak ng Katipunan at Rebolusyon’. Isa siya sa mga dumalo sa Sigaw sa Pugad Lawin kasama si Andres Bonifacio (1863-97), ang Supremo ng Katipunan, at iba pang mga kasapi na naging hudyat sa simula ng rebolusyon laban sa mga kolonyal na Espanyol sa bansa.
Noong 11 Disyembre 2024 Miyerkoles ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933), ay nagdaos ng Commemorative Lecture kaugnay sa kaarawan ng heneral at paglulunsad ng logo ng ika-150 anibesaryo ng kapanganakan ni Emilio Jacinto. Ang gawain ay isinagawa sa GSIS Museo ng Sining, GSIS Financial Center. Sen. J.W. Diokno Boulevard, Lungsod Pasay.
Pinangunahan ni G. Regalado Trota Jose Jr., ang Tagapangulo ng NHCP, ang pag-aalis ng tabing upang matunghayan ang commemorative logo ni Emilio Jacinto na dinisenyo ni Jovan C. Soriano, NHCP Creative Arts Specialist. Kasama ng Tagapangulo sina G. Ryan Palad, GSIS Museum Manager; G. Charlie DJ Dungo, Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila Head; at Carminda R. Arevalo, NHCP Executive Director.
Sinundan ng panayam sa naging buhay at mga nagawa ni Emilio Jacinto na ibinahagi ni Dr. Michael Charleston “Xiao” B. Chua, Public Historian. Nagkaroon ng talk-back session mula kina Ejay Yatco, composer; Juan Ekis, playwright; at mga aktor na sina Paw Castillo at Vic Robinson para sa stage play na “Pingkian: Isang Musikal”. Ang audio podcast talk-back session at panayam ni Dr. Chua ay matutunghayan sa NHCP YouTube Channel ngayong Disyembre 2024.
Ang ika-150 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Emilio Jacinto ay bahagi ng 2025 Year of the Youth in Philippine History kaugnay sa seskisentenaryo nina Jacinto, Gregoria De Jesus (1875-1943), Gregorio Del Pilar (1875-99), at iba pang kabataang rebolusyonaryo na nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa mula sa mga Espanyol na mananakop.
Ang Pingkian ang ginamit na sagisag panulat ni Emilio Jacinto sa pahayagang Kalayaan ng Katipunan. Isa sa kanyang naisulat ay ang “Ako Si Kalayaan”. Narito ang kanyang artikulo:
“Ako ay ang Simula ng mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay ang siga ng “Santa Inkisisyon” na ginamit ng mga prayle para busabusin ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilumutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang mababangis na panginoon;
Kailangan ako sa bawat naisin at lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at ibangpook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at tuklasin ang mga hiwaga ng siyensiya; saan mang pinaghaharian ko ay napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na nalulunod sapang-aalipin at kabangisan.
Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”
Pagbati sa buong pamunuan ng NHCP AT GSIS Museum sa matagumpay na gawain!
More Stories
Pinakakasuhan ng Quad Comm… DUTERTE, BATO, GO MAY PANANAGUTAN SA CRIMES AGAINST HUMANITY
Bumagsak sa thesis… ESTUDYANTENG TSINOY TUMALON SA ROOFDECK NG CONDO, LASOG
GURO, ESTUDYANTE PRAYORIDAD SA 2025 NATIONAL BUDGET