December 18, 2024

5,957 pulis ipapakalat sa CALABARZON para sa “Ligtas Paskuhan 2024”

Naging matagumpay ang isinagawang paglulunsad ng “Ligtas Paskuhan 2024” ng Police Regional Office 4A Calabarzon sa ilalim ng pamumuno ni Police Regional Director Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, na magpapalakas sa pagtitiyak ng seguridad at kaligtasan ng publiko ngayon darating na Kapaskuhan at Bagong Taon.

Dahil dito magpapakalat sa buong Calabarzon o Region 4A ng 5,957 PNP Personnels sa ilalim ng PRO4A IMPLAN RONDA CALABARZON.

Inatasan na rin ni General Lucas ang limang Police Provincial Offices na kinabibilangan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon na palakasin ang kanilang mga police visibility partikular na sa pagpapatrolya sa mga matataong lugar tulad ng mga malls, lahat ng tourist areas, ports at mga terminals ng public transportations.

Ayon pa kay General Lucas, makikipagsanib puwersa din umano ang PRO 4A sa nasa 2,434 na tauhan mula sa LTO, LTFRB, HPG, barangay tanod at iba’t ibang volunteers force multipliers.

Maglulunsad din ng mga Police Assistance Desk at foot patrols sa mga crime prone areas dahil sa pagtaas ng insidente ng krimen tulad ng pagnanakaw, robbery hold up at iba pang modus operandi ng mga kriminal.

Palalakasin din aniya ng PRO 4A ang antas ng kamalayan ng publiko sa pag-iwas sa krimen at ibabahagi ang mga tip ng kaligtasan sa mga maaring gamitin na media platform  dagdag pa ni General Lucas. (KOI HIPOLITO)