November 23, 2024

Mga health worker, kanya-kanyang diskarte: Pampublikong sasakyan suspendido

Kanya-kanyang diskarte ang mga health workers sa paggamit ng alternatibong transportasyon gaya ng bike at electric scooter habang ang iba ay naglakad na lamang sa unang araw ng pagpapatupad ng MECQ sa NCR sa kahabaan ng U.N. Avenue. (Kuha ni NORMAN ARAGA).

SUSPENDIDO mula Agosto 4 hanggang 18 ang pampublikong transportasyon matapos ibalik sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila at iba pang lalawigan, ayon sa Transportation Department.

Ayon sa DOTr, limitado lamang ang transport services sa MECQ areas, alinsunod sa umiiral na quarantine guidelines ng COVID-19 Inter-Agency Task Force.

Hindi pinapayagan ang mga bus, jeep, taxi, train (PNR, LRT-1, LRT-2 at MRT-3), at Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Hindi rin pinapayagan ang mga tricycle na bumiyahe.



Tanging public shuttles na inilaan para sa mga frontliner at iba pang manggagawa sa mga permitted industries ay papayagang bumiyahe sa ilalim ng service category, ayon sa DOTr.

Samantala, mas pinili na lamang ng ilang health workers na magbisikleta at sumakay sa e-scooter habang ang ilan ay naglakad na lamang papasok sa kanilang trabaho.

Iginiit naman din ng ahensiya na itinutulak  nila ang libreng sakay para sa mga healthcare workers. Inaunsiyo naman ni Vice President Leni Robredo na ibabalik ng kanyang opisina ang libreng shuttle service para sa frontliner simula sa Martes.