December 19, 2024

Carmona, LTO lumagda sa data-sharing, interconnectivity agreement

MALAPIT nang ma-access ng Carmona, Cavite ang mga pangunahing impormasyon tungkol sa mga sasakyan na kinakailangan para sa pagpapatupad ng mga batas trapiko matapos itong lumagda para sa interconnectivity program katuwang ang Land Transportation Office (LTO).

 Binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs) upang matiyak ang kaligtasan ng mga road users sa pamamagitan ng maayos at epektibong pagpapatupad ng mga panuntunan sa trapiko.

Ayon kay Mendoza, bahagi ng epektibong pagpapatupad ng batas-trapiko ang pagbibigay-kakayahan sa mga motorista na sumunod sa mga panuntunan habang nasa kalsada sa pamamagitan ng pagbibigay ng batayang impormasyon sa mga traffic enforcers para matukoy ang mga pasaway na motorista.

“Hindi kayang mag-isa ng LTO na ipatupad ang mga batas para sa kaligtasan sa kalsada, lalo na sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.

Kailangan namin ang LGU, at tulad ng Carmona, maganda ang nagiging papel nila sa pagtulong sa pambansang pamahalaan na gawing ligtas ang mga kalsada para sa lahat,” ani Mendoza.

Sinabi rin ni Mendoza na bahagi ng adbokasiya ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada, na sinusuportahan ng bagong programa ng LTO na “Stop Road Crash.”

Sa ilalim ng interconnectivity, ang mga motoristang nakatakas matapos lumabag sa batas-trapiko maaaring matukoy gamit ang plaka ng sasakyan.

Ganito rin ang sistema para sa mga sasakyang nasisiraan sa kalsada at nagdudulot ng matinding trapiko.

Kapag rehistrado ang mga sasakyan sa LTO, matitiyak ang roadworthiness nito dahil ang inspeksyon ng sasakyan isa sa mga pangunahing kinakailangan sa pagpaparehistro.

“Maaaring ipadala ng LGU ng Carmona sa amin ang impormasyon. Bilang kapalit, maaaring maglabas ang LTO ng Show Cause Order laban sa mga nakarehistrong may-ari ng mga sasakyang lumabag sa batas-trapiko,” ani Mendoza.

Pinuri ni Carmona City Mayor Dahlia Loyola si Mendoza sa mabilis na pagtugon sa kanilang hiling para sa interconnectivity sa LTO.

“Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon, maaari nating ma-update ang ating datos ng real time, mapahusay ang koordinasyon at masiguro ang epektibong pagpapatupad ng mga batas-trapiko.

Sino ang mag-aakalang sa simpleng tao lamang, maaari nang makipag-ugnayan sa LTO para sa tuloy-tuloy na monitoring,” ani Mayor Loyola. Nilagdaan ang Memorandum of Agreement at Data Sharing Agreement para sa LTO-LGU Interconnectivity Project nina Assec Mendoza, Mayor Dahlia Loyola, Atty. Noreen Bernadette San Luis-Lutey, Chairperson ng LTO-LGU Interconnectivity Project at Region IV-A Regional Director Elmer Decena noong Lunes sa Carmona