December 22, 2024

NAVOTAS, NAGBIGAY NG IBA’T IBANG GAMIT SA MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco ang turnover ng iba’t ibang kagamitan para sa mga pampublikong paaralan, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Navotas Teachers’ Day.

Ang Navotas National Science High School, Filemon T. Lizan Senior High School, at Angeles National High School ay nakatanggap ng mga desktop computer upang mapabuti ang kanilang teknolohiya sa silid-aralan.

Ang pamahalaang lungsod ay naglaan din ng mga smart TV sa Tanza Elementary School, NBBN Elementary School, Dagat-Dagatan Elementary School, Daanghari Elementary School, Tangos National High School, at ang Alternative Learning System (ALS) upang suportahan ang mga interactive na pamamaraan ng pagtuturo.

May 63 pampublikong guro sa elementarya at hayskul ang nakatanggap din ng mga laptop para tumulong sa paghahanda at paghahatid ng aralin.

Binigyang-diin ni Tiangco ang dedikasyon ng lungsod sa pagbibigay kapangyarihan sa mga guro at pagtiyak na ang mga mag-aaral ay makakatanggap ng de-kalidad na edukasyon sa tulong ng mga modernong kagamitan sa pagtuturo.

“Our teachers are the backbone of education. By equipping our schools with modern tools, we ease their workload and help them teach more effectively, ensuring a brighter future for our students and our city,” pahayag ni Tiangco.

Noong nakaraang taon, namahagi ang pamahalaang lungsod ng 126 na smart TV sa mga pampublikong elementarya at mataas na paaralan, na nagsusumikap na isama ang teknolohiya sa pag-aaral sa silid-aralan.