December 21, 2024

GSIS MAGPAPA-RAFFLE NG P1.5-M (Bilang pasasalamat sa mga miyembro at pensiyonado)

MAMAHAGI ang Government Service Insurance System (GSIS) ng P1.5 milyon sa pamamagitan ng isang raffle ngayong kapaskuhan bilang pasasalamat sa kanilang mga miyembro at pensiyonado at upang hikayatin silang gamitin ang GSIS Touch mobile app sa kanilang mga transaksyon.

“Isang kabuuang 300 na mananalo ang makakatanggap ng tig-P5,000 sa GSIS Touch and Win Christmas Raffle na gaganapin sa Disyembre 17. Ito ang aming paraan ng pagpapasalamat sa aming mga miyembro at pensiyonado habang papalapit ang kapaskuhan at upang mahikayat silang gamitin ang GSIS Touch app. Sa paggamit ng GSIS Touch, magkakaroon sila ng mas mabilis at maginhawang serbisyo, at pagkakataon na manalo at makisaya kasama namin,” pahayag ni GSIS President and General Manager Wick Veloso.

Ayon kay Veloso, ang mga aktibong miyembro at pensiyonado na magda-download at magrerehistro sa GSIS Touch app ay awtomatikong magkakaroon ng isang (1) raffle entry. May karagdagang entries na maaaring makuha sa pamamagitan ng mga transaksyong gamit ang app tulad ng loan applications at pagsunod sa Annual Pensioners Information Revalidation (APIR).

Para sa mga aktibong miyembro, ang bawat loan na maaprubahan sa pamamagitan ng GSIS Touch app—Multipurpose Loan (MPL) Flex, MPL Lite, o Emergency Loan—mula Enero 2024 hanggang sa kasalukuyan ay magbibigay ng karagdagang dalawang (2) raffle entries. Gayunpaman, hindi maaaring sumali ang mga miyembrong may hindi nababayarang utang na higit sa anim (6) na buwan.

Para naman sa mga pensiyonado, ang paggamit ng facial recognition feature ng GSIS Touch para sa APIR compliance ay magbibigay ng dalawang (2) entries. Gayundin, ang mga loan na naiproseso gamit ang GSIS Touch, tulad ng Enhanced Pension Loan at Pensioners Emergency Loan, ay magbibigay ng karagdagang dalawang (2) entries kada loan.

Ang mga mananalo sa raffle ay pipiliin gamit ang isang audited electronic system. Ang mga premyo ay direktang ipapadala sa kanilang GSIS eCards, at sila ay aabisuhan sa pamamagitan ng kanilang rehistradong mobile number o email address.

Inilunsad noong 2020, ang GSIS Touch mobile app ay mayroon nang mahigit 1.5 milyong gumagamit at nag-aalok ng iba’t ibang tampok tulad ng pag-access sa membership at pension records, loan applications, claims tracking, at premium monitoring. Sinusuportahan din nito ang biometric login options para sa mas mataas na seguridad at kaginhawahan.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mechanics ng raffle at mga tampok ng app, maaaring bisitahin ang GSIS website na www.gsis.gov.ph, ang GSIS Facebook page na @gsis.ph, o tumawag sa 8847-4747 (kung nasa Metro Manila), 1-800-8-847-4747 (para sa Globe at TM subscribers), o 1-800-10-847-4747 (para sa Smart, Sun, at Talk ‘N Text subscribers).