January 22, 2025

1,322 PANG PANGALAN SA CONFIDENTIAL FUNDS NI VP SARA, PEKE RIN?

LALONG tumindi ang pagdududa ng pinuno ng blue ribbon committee ng Kamara sa mga resibo ng isinumite ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte na sinasabing gawa-gawa lamang batay sa nakalap na ebidensiya mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

“This certification from the PSA leaves little doubt,” saad ni Manila Rep. Joel Chua, chairperson ng House committee on good government and public accountability.

“If these names cannot be found in the civil registry, it strongly suggests they do not exist. The [receipts] may have been manufactured to justify the disbursement of confidential funds,” pahayag niya.

“These findings raise a critical question: if the recipients don’t exist, where did the money go? This is not just a clerical error; this points to a deliberate effort to misuse public funds,” dagdag pa niya.

Batay sa liham na pirmado ni National Statistician at Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa, walang birth, marriage o death record man lang ang mga pangalang isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa liquidation report na atas ng Commission on Audit sa lahat ng paggastos ng pamahalaan.

Para kay Chua, malinaw na may nag maniobra para maibulsa ang hindi bababa sa P500-milyong halaga ng confidential funds na inilaan ng Kongreso sa OVP at maging sa Department of Education sa ilalim na pangangasiwa ni former Education Sec. Sara Duterte.

Gayunpaman, nilinaw ng PSA na may ilang indibidwal ang may malapit na katugma sa 670 pangalan sa database ng ahensya.

Sa datos ng PSA, 1,322 sa 1,992 pangalang pinapaberika ng Kamara ang walang rekord ng kasal habang nasa 536 naman ang posibleng may parehong record. Wala namang death record ang 1,593 habang 399 ang may kaukulang tala.

Ang bagong listahan ng mga pangalan ay nakalista sa mga acknowledgment receipt (AR) na isinumite ng OVP sa CoA bilang patunay ng paggastos ng confidential funds mula Disyembre 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023.

Kumbinsido rin ang Manila solon na matibay na ebidensya na peke ang ARs na kaugnay ng P500 milyong confidential funds.