December 22, 2024

‘LEE MINHO’ ARESTADO NG BI, KASAMA ANG APAT PANG PUGANTE

Ang mga puganteng naaresto ng BI-FSU, kasama si Lee Minho na nasa gitna. (ARSENIO TAN)

Inaresto na mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 37-anyos na South Korean na nagngangalang Lee Minho, kapangalan ng sikat na aktor mula sa kaparehong bansa, sa isang operasyon ng ahensya sa Clark Freeport Zone.

Ayon sa BI, si Lee ay wanted sa South Korea dahil sa pag-atake gamit ang baseball bat na nagdulot ng malubhang pinsala sa isang biktima limang taon na ang nakararaan. May nakabinbing arrest warrant laban sa kanya mula sa Suwon District Court para sa Special Bodily Injury, at subject din siya ng isang Interpol red notice nitong Oktubre.

Samantala, apat pang dayuhang pugante ang naaresto ng BI-Fugitive Search Unit sa Davao Oriental. Dito nahuli ang Jordanian na si Shalabi Nidal Mohd Suleiman, 53, na wanted sa Dubai dahil sa pagnanakaw ng higit €110,000 at 200,000 United Arab Emirates dirhams mula sa kanyang dating employer.

Sa Makati City naman, naaresto noong Nobyembre 27 ang Chinese national na si Wei Xiaofeng, 28, na inaakusahan ng iligal na pagkuha ng pribadong videos gamit ang hidden cameras sa mga hotel.

At sa Pasay City noong Nobyembre 29, naaresto ang dalawang Taiwanese na sina Chen Chi-Yin, 32, at Huang Chun Fu, 31, na pinaniniwalaang miyembro ng Bamboo Triad na sangkot sa smuggling ng armas at droga.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, hindi dapat maging kanlungan ng mga dayuhang kriminal ang Pilipinas kaya naman nakahanda na ang mga deportation para sa mga nasabing dayuhan at iba-blacklist upang hindi na muling makapasok pa sa bansa. ARSENIO TAN