December 22, 2024

Bebot na nagnonotaryo at pumipirma sa ibabaw ng pangalan ng abogado, arestado

DINAKIP ng pulisya ang isang bebot na nagnonotaryo at pumipirma sa ibabaw ng pangalan ng isang abogado nang kumagat sa ikinasang entrapment operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas “Mitch”, 22, at residente ng Bagong Silang, Caloocan City.

Ayon kay Cayaban, isang sheriff sa tanggapan ng Clerk of Court ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) ang nagreklamo matapos sabihan siya ng hukom hinggil sa natanggap na notaryadong dokumento ng isang abogado na naka-komisyon sa Maynila subalit, sa Valenzuela nagno-notaryo.

Hindi rin ang notary public na abogado ang lumalagda sa dokumento kundi ang kanyang secretary na si alyas Mitch kaya ikinasa ng mga tauhan ni Col. Cayaban sa pangunguna ni P/Maj. Jose Hizon, Assistant Chief of Police for Operation (ACOPO) ang entrapment operation sa ginagamit na tanggapan ng suspek sa CJ Santos St. Malinta.

Matapos tatakan at selyuhan ang nilagdaan niyang ‘affidavit of loss’ sa ibabaw ng pangalan ng notaryo-publikong abogado, kapalit ng P200 markadong salapi na ibinayad ng policewoman na nagpanggap na kliyente, agad pinosasan ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang suspek.


Ipinaliwanag naman ni P/Capt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), na limitado lamang dapat sa Maynila ang pagno-notaryo ng abogado dahil doon lamang siya naka-komisyon kaya’t malinaw na paglabag sa jurisdiction  ang ginagawa ni alyas Mitch.


Mga kasong paglabag sa Art. 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority at Art. 171 o Falsification of Public Documents of RPC ang isinampa ng pulisya laban kay alyas Mitch sa Valenzuela City Prosecutor’s Office