November 17, 2024

TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG

IBINUNYAG ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na maghahain ng kaso si dating President Rodrigo Duterte laban kay dating Sen. Antonio Trillanes IV dahil sa umano’y paninira nito ng reputasyon sa kanya at sa pamilya nito.

“Kagabi ho during my Tiktok, in the middle of my Tiktok the President called me up at sabi ko sa kanya ‘Mr. President naka-live ako sa Tiktok at Facebook’ (sabi nya) ‘okay lang’. Sabi ko ‘bakit ho kayo tumawag?’ Sapagkat sabi nya ‘dapat turuan na ng leksyon yang si Trillanes sa paninirang ginagawa nya sa pamilya namin na walang katotohanan kaya magdedemanda ako at ikaw ang gusto kong abugado ko,” ayon kay Panelo sa isang panayam.

“Paninirang puri po yan. Kasi yung sinasabi niya (Trillanes) ron na drug lord daw si kongresista Pulong (Paulo Duterte) at yung daw mga pera sa bangko ay puro galing sa drug money, puro galing sa drugs, eh paninira yan,” paliwanag pa nito.

Ayon pa kay Panelo, hindi na bago ang ipinakitang bank accounts ni Trillanes sa House of Representatives quad committee.

“Kung natatandaan mo sa BPI eh lumabas na yan at yung sinasabi na merong P210 million sa bangko si Presidente Duterte, nung lumabas yung certification kung magkano ang deposito nyan eh P16,000,” saad ni Panelo.

“I asked for a certification na it can certify that at nowhere, no time, from the start of the deposit up to the present time when I asked for the certification there was no P210 million in the bank. At yun nga po ang certification ay P16,000 at walang ganung pera si Presidente,” dagdag niya.

Inakusahan din ni Panelo si Trillanes na ginagamit nito ang isyu para lamang sa propaganda.

 “Lumang tugtugin na po yan, alam po ninyo ang ginagawa nyang taong yan ay talagang propaganda lang. kasi siya na rin ang nagsabi nag-file siya sa, kung saan siya nag-file, puro nadi-dismiss sa madaling sabi nagpo-propaganda lang sya at ginamit niya ang quad comm. Hindi natin malaman kung sino ang nag-imbita sa kanya dun, but he was able to use quad comm to besmirch again the reputation of the former President and the Duterte family,” aniya.

Bukod sa pinabulaanan ang pahayag ni Trillanes kaugnay sa halaga na idineposito sa account, sinabi ni Panelo na maglalabas din sila ng ebidensiya para patunayan na ang naturang pondo ay hindi galing sa illegal na kalakaran ng droga at si Rep. Duterte ay hindi drug lord.

“Walang katotohanan lahat ng kanyang (Trillanes) mga sinabi,” giit ni Panelo.