November 14, 2024

Reward money sa pulis, kinumpirma ni Digong

Kinumpirma ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng reward sa mga pulis para sa kanilang accomplishments.

Tinanong kasi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel si Duterte kaugnay sa reward system sa kanyang kampanya kontra droga sa ginanap na pagdinig ng House of Representatives quad committee nitong Miyerkules.

Gayunpaman, hindi naging direkta ang naging sagot ni Duterte sa tanong ni Manuel.

“Yung reward system ganito ‘yan, lahat ng governors pati mayor ginagawa ‘yan,” saad ni Duterte.

Ipinaliwag ni Duterte na kung kulang ang pondo ng istasyon ng pulisya para sa police operation, gumagawa ng kaukulang hakban ang mga lokal na opisyal na magbigay ng resources para sa gasolina at pagkain.

 “So I give you P20,000 magamit nila yan. Pag may sobra nyan magsabi sila ‘sir hindi naubos’, magsolli sila. May sobra dito sir, ilan kalahati sabihin ko inyo na yan. Reward. Correct very correct. At minsan bigyan ko pa dagdag,” saad ni Duterte.

Sa kanyang testimonya, ikinanta ni dating Police Col. Royina Garma, umaabot sa P20,000 hanggang 1 milyon ang binibigay sa mga pulis na nakapatay sa drug suspects depende sa target.

Tinanong din ni Manuel ang tungkol sa confidential funds, na ginamit umano ng reward money para sa mga pulus na nakapatay sa drug suspect pero nabigong sagutin ng diretsa ni Duterte.

 “Kaya tinawag ‘yan, Sir, ng intelligence fund na confidential. Kaya huwag kang magtanong kung anong confidential ginawa ko,” ani Duterte.