November 12, 2024

Christian Benedict Paulino, James Ang, unang ginto sa swimming, athletics

Men’s 400-meter freestyle S6-S7 gold medalist Christian Benedict  Paulino.

INIUWI nina swimmer Christian Benedict Paulino at middle distance runner James Ang ang nakatayang mga unang gintong medalya habang isang nagbabalik na babaeng miyembro ng national team ang nagpakita muli ng husay sa centerpiece sports sa pagsisimula ng 8th Philippine National Para Games sa mga pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex at PhilSports Arena.

Inangkin ng 20-anyos mula Sampaloc subalit bitbit ang LGU ng Quezon City na si Paulino ang ginto sa Men 400m Freestyle S6-S7 sa oras na 6:55.61 minuto upang patatagin ang kanyang nais na maging miyembro ng national team kasama ng idolo nitong 2-time Paralympian na si Ernie Gawilan.

Tinalo ni Paulino si Zach Lucas Osioma ng Cadiz City na nagtala ng 8:27.50 minuto para sa kanyang unang gintong medalya sa una din pagsali sa kompetisyon. Asam ni Paulino na makapagwagi pa ng dalawa sa sasalihang event.

“Masaya po. First time ko po manalo sa Para Games. Para po makapursue din ng dream ko makasali sa Paralympics,” sabi ng tumigil na sa pag-aaral subalit isang swimming instructor na si Paulino na may under developed na dalawang mga hita.

“Since birth po, underdeveloped po ang both legs,” sabi ni Paulino na nagtuturo sa mga kabataan at senior citizen.

Halos kasabay nito ang pagwawagi naman ni Ang mula Marikina City para maging unang gold medalist sa athletics na ginaganap sa PhilSports Arena.

Itinala ng 18-anyos na Grade 10 student-athlete sa Sta. Elena High School ang oras na 2:08.9 minuto upang magwagi sa men’s 800-meter T20 event. Ang T20 ay classification ng para-athletes a may intellectual impairments.

Pumangalawa si Mark Jason Encina ng Pasig City at pangatlo si Earl Justin Solis ng Iloilo.

Nagbabalik naman ang dating national swimmer na si Bea Roble matapos na huling sumali sa national para games at irepresenta ang bansa noong 2019 sa paglangoy nitong muli at pag-aasam na mapabilang sa national team.

“Gusto ko na po ngayon na makapag-concentrate sa national team kasi naka-graduate naka-graduate na po ako,” sabi ng 33-anyos na si Roble na nagpasyang itigil ang pagsama sa national team upang makumpleto ang Bachelor’s Degree sa Business Management sa Cebu City. (DANNY SIMON)