NGAYONG 16 Nobyembre 2024 Sabado ay gugunitain ang ika-134 Taong Anibersaryo ng Kaarawan ni Elpidio Rivera Quirino (1890-1956) na may palayaw na ‘Pidiong’. Siya ay isang Pilipinong guro, abogado, at politiko na naging ikaanim na Pangulo ng Republika ng Pilipinas (1948-53).
Pangungunahan ng Provincial Government of Ilocos Sur ang nasabing pagdiriwang na magaganap sa kanyang bayang sinilangan sa Lungsod Vigan. Ang paggunita ay isasagawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang bantayog, na susundan ng banal na misa ng pasasalamat bilang pag-aalay sa kanyang alaala, at ilang programa kaugnay sa mga naiambag ng dating pangulo.
Narito ang Sampung (10) Mahahalagang Impormasyon at Kaalaman tungkol kay EQ:
01. Pinagmulan. Isinilang si Elpidio Rivera Quirino noong 16 Nobyembre 1890 Linggo sa Vigan Provincial Jail, Vigan, Ilocos Sur. Siya ay pangatlong anak nina Mariano Quebral Quirino na tubong Caoayan, Ilocos Sur at Gregoria Mendoza Rivera na tubong Agoo, La Union. Siya ay inapo ng mestizong Tsino na bininyagan makalipas ang tatlong araw ng pagkasilang.
02. Edukasyon. Si EQ ay nakapagtapos ng pag-aaral ng elementarya sa Aringay, La Union, at sekondarya sa Manila High School (Intramuros), 1911. Nakamit niya ang degree na Bachelor of Laws sa University of the Philippines sa Maynila, 1915.
03. Pagiging Guro. Naging guro si EQ sa isang barrio sa Caparia-an, Caoayan, Ilocos Sur. Sa edad na 16 ay nag-aaral pa lamang siya ng mataas na paaralan nang kinuha siya bilang guro ng elementarya dahil nangailangan ang nasabing barrio. Limang buwan siyang naging guro. Ang kanyang kinita ay ginamit niya bilang pagpapatuloy sa kanyang pag-aaral sa Maynila.
04. Pagiging Politiko. Unang nagtrabaho si EQ bilang pribadong abogado bago mahalal bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Ilocos Sur, 1919-22. Nahalal siya bilang Senador mula sa 1st Senatorial District noong 1925, muling nahalal noong 1931, at ipinagpatuloy ang katungkulan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-45) bilang Senate President Pro Tempore sa sumunod na sampung buwan, Hulyo 1945-Mayo 1946. Naging kasapi siya ng Philippine Independence Commission sa Washington, D.C. na naging daan sa pagpasa ng Batas Tydings-McDuffie sa Kongreso ng Estados Unidos, 1934. Nahalal bilang isa sa mga delegado ng 1935 Constitutional Conventional para sa pagbuo ng 1935 Philippine Constitution patungo sa pagtatatag ng Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas. Naging katambal siya ni Manuel A. Roxas (1892-1948) ng Liberal Party at nahalal bilang Pangalawang Pangulo, 1946. Naglingkod din siya sa kabinete: una bilang Secretary of Finance kay Pangulong Manuel L. Quezon (1878-1944), nanilbihan 1934-36, at kay Pangulong Roxas, nanilbihan 1946; ikalawa bilang Secretary of the Interior ni Pangulong Quezon, 1935-44; at Secretary of Foreign Affairs, 1946-50.
05. Mga Pagsubok. Ang pagdating ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas ay naging malaking pagsubok sa buhay ni EQ. Dahil sa kanyang pagsuporta at ng kanyang kapatid sa mga gerilya. Kapwa sila inaresto at ikinulong ng labinlimang (15) araw ng mga Hapones sa Fort Santiago, Intramuros. Sa nalalapit na pagdating ng mga Amerikano, kanyang tinanggihan na siya’y magtungo kasama ang kanyang pamilya sa Baguio. Ang kanilang tirahan sa Maynila ay tinamaan ng bomba at naging dahilan ng pag-atake sa puso ng ina ni Alicia, kanyang biyenan, at kailangang agarang lumipat ng ibang bahay.
Ayon kay Michael Charleston “Xiao” Briones Chua (2015), pagsapit ng 12 Pebrero 1945 Lunes habang sinusubukang tumakas ng mga Quirino dahil sa gutom, sila ay nakita ng mga sundalong Hapones at pinagbabaril sila. Patay ang anak niyang si Norma at ang asawang si Alicia habang kalong-kalong ang anak na si Fe Angela, na tinuluyan ng mga hapon sa pamamagitan ng bayoneta. Tinamaan din ng shrapnel si Armando habang binabawi ang mga katawan ng kapamilya. Si EQ na noo’y nagbabalot pa lamang ng mga damit at hindi pa nakalalabas ay tila tumigil ang kanyang mundo nang makita ang katawan ng mga mahal sa buhay. Nang tahimik at ligtas na ang paligid, agad siyang bumalik sa kanilang tahanan at nadatnang buhay pa ang kanyang mga anak na sina Vicky at Tommy na nakatakbo mula sa eksena, bagamat sugatan sa binti ang una. Nagpabalik-balik na tumawid sa Ilog Pasig ang ginoo buhat-buhat ang mga kapamilya na binubuo na siyam kabilang ang iba pang kamag-anak, upang mabigyan ng maayos na libing.
Ganito ang pahayag ni Ruby Quirino Gonzalez Mayer (2016), apo ng dating pangulo, “Pinatawad niya ang mga Hapones sa kabila ng katotohanan na binaril ang kanyang asawa at tatlo sa lima niyang mga anak. Sinong klase, anong klaseng taong magpapatawad na ganito? The lesson of forgiving the unforgivable.”
06. Pagiging Pangulo. Sa panahon ng biglaang pagkamatay ni Pangulong Roxas dahil sa atake sa puso matapos magtalumpati sa Clark Air Base sa Pampanga, sa sumunod na dalawang araw ay nanumpa si EQ kay Associate Justice Ricardo M. Paras Jr. (1891-1984) ng Korte Suprema bilang ikaanim na Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa Council of State Room sa Palasyo ng Malakanyang. Agad niyang iprinoklama ang pambansang pagluluksa sa pagkamatay ng dating pangulo. Siya ang unang pangulo na biyudo at hindi na muling nakapag-asawa pa. Ang kanyang administrasyon ay naging malaking hamon upang ibangon ang kalagayang ekonomiya ng bansa matapos ang digmaan at pagpapanumbalik ng kapayapaan at tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.
07. Pinakabatang First Lady. Ang kanyang anak na si Victoria (1931-2006) ang naging pinakabatang First Lady ng Palasyo ng Malakanyang sa edad na 16. Ikinasal siya kay Luis M. Gonzales na naging Philippine Ambassador sa Espanya, 1966-71.
08. Kabisera ng Pilipinas. Sa bisa ng Batas Republika Blg. 333 noong 1948, matapos maamendyahan ang Batas Komonwelt Blg. 502, idineklara ni Pangulong Quirino na ang Lungsod Quezon ay ang bagong kapitolyo o kabisera ng Pilipinas, kapalit ng Lungsod Maynila. Marami sa mga tanggapan ng pamahalaan ang ililipat sa bagong kabisera, subalit mananatili sa Maynila ang ilang tanggapan para sa pangangailangan. Makalipas ang mahigit na dalawang dekada ay ibinalik sa Lungsod Maynila ang kabisera sa bisa ng Presidential Degree No. 940 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. (1917-89, nanilbihan 1965-86).
09. Tahanan ng mga Rizal. Sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 145 noong 1949 ay ipinasa ni Pangulong Quirino ang muling pagtatayo ng tahanan ng pamilya Rizal sa Calamba, Laguna. Ang mga nalikom na pondo mula sa mga batang Pilipino, mga iba’t ibang samahan kabilang ang maka-Rizal, ang ginamit para sa proyekto. Si Juan F. Nakpil (1899-1986, naging Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitetura noong 1973) ang napiling arkitekto upang mangasiwa sa itatayong bahay. Napanatili ang totoong orihinal na bahay gamit ang mga materyales noong panahong itinayo ang tahanan. Nagsilbing gabay sa pagtatayo ang mga lumang larawan at gabay mula sa testimonya ang noo’y nabubuhay pang kapatid ng pambansang bayani na si Trinidad Rizal (1868-1951). Muling binuksan sa publiko ang bagong tayong tahanan noong 19 Hunyo 1950 kaugnay sa ika-89 kaarawan ni Dr. Jose Rizal na dinaluhan nina Pangulong Quirino at Trinidad.
10. Himlayan sa Libingan ng mga Bayani. Namatay ang dating pangulo sa edad na 65 dahil sa atake sa puso habang naghahanda sa dadaluhang pagpupulong noong 29 Pebrero 1956 Miyerkoles ng gabi sa kanyang tahanan sa Novaliches, Lungsod Quezon. Sa sumunod na labinlimang araw ay idineklara ni Pangulong Ramon D. Magsaysay (1907-57, nanilbihan 1953-57) ang pambansang pagluluksa at ang lahat ng mga bandila ay half-mast bilang tanda ng pagluluksa. Ang kanyang mga labi ay ibinurol ng tatlong araw sa Palasyo ng Malakanyang, nagkaroon ng necrological service sa Gusaling Lehislatibo, at inilibing sa Manila South Cemetery. Makalipas ang anim na dekada ay inilipat ang kanyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani sa Lungsod Taguig na pinangunahan nina Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III (1960-2021, nanilbihan 2010-16) at Maria Serena I. Diokno (isinilang 1954), Tagapangulo (nanilbihan 2011-16) ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP). Matapos nina Carlos P. Garcia (1896-1971, nanilbihan 1957-61) at Diosdado P. Macapagal (1910-97, nanilbihan 1961-65), si EQ na ang ikatlong pangulo na inilibing sa Libingan ng mga Bayani. Sa kanyang puntod ay makikita ang tatlong core values na sinunod sa buhay: ang tolerance, love, at goodwill.
Pagbati sa buong pamunuan ng Provincial Government of Ilocos Sur!
Maligayang Kaarawan Pangulong EQ!
More Stories
DOST 1 DIRECTOR CHAMPION SA GENDER SENSITIVITY AT MAINSTREAMING SA ISPSC
RECTO: CREATE MORE LAW, WIN-WIN PARA SA MGA NEGOSYANTE, MGA PINOY
‘KALINGA SA MAYNILA’ SERVICE FAIR PUPUNTA SA PORT AREA