November 14, 2024

NAVOTAS SOLON, NAGPAALALA SA PUBLIKO NA MAG-INGAT SA HOLIDAY TEXT SCAMS

PINAALALAHANAN ni Navotas Congressman Toby Tiangco ang publiko na manatiling mapagbantay sa gitna ng dumaraming sopistikadong text scam na nagta-target sa mga gumagamit ng e-wallet.

Binigyang-diin ni Tiangco, chair ng House Committee on Information and Communication Technology, ang pagtaas ng mga mensahe ng scam na itinago bilang mga lehitimong e-wallet advisories.

“Marami po sa ating mga kababayan ang nabiktima na ng mga text scams na nagpapanggap na mula sa mga e-wallets. Maging mapagmatyag po tayo sa modus na ito at huwag mag-click ng links mula sa text messages,” pahayag ni Tiangco.

Nanawagan din si Tiangco sa Department of Information and Technology (DICT) na pag-ibayuhin ang pagsisikap laban sa mga scammer habang papalapit ang kapaskuhan.

“Alam naman natin na habang papalapit ang kapaskuhan, lalong nagiging masipag ang mga scammers,” ani Cong. Tiangco.

“Hindi sapat na minomonitor lang natin ang sitwasyon. Dapat matunton ang mga masasamang loob sa lalong madaling panahon bago pa dumami ang kanilang mga biktima,” dagdag niya.

Ayon sa DICT, ang mga mensahe ng phishing ay ipinapadala sa pamamagitan ng isang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, isang device na sumusubaybay, humaharang, at gumagaya sa mga lehitimong komunikasyon sa mobile.

Pinaalalahanan din ng mga provider ng e-wallet na sina Maya at GCash ang mga user na huwag mag-click sa mga link mula sa hindi kilalang mga text.

“After the Marcos administration’s ban on POGO, scammers have intensified their tactics to target unsuspecting Filipinos,” sabi pa ng mambabatas.

“Let us remain vigilant. Report cybercrime incidents to the Inter-Agency Response Center (IARC) Hotline 1326,” dagdag niya