November 23, 2024

BEBOT NA PAPUNTANG JAPAN, PINIGILAN NG BI DAHIL SA PEKENG PAPELES

HINDI pinayagang makaalis ng immigration personnel ang isang 23-anyos na babae noong kasagsagan ng pagdagsa ng mga biyahero nitong nakaraang Undas matapos magpakita ng pekeng dokumento.

Tinangka ng babaeng biktima, na itinago ang pagkakilanlan alinsunod sa anti-trafficking laws, na makaalis ng bansa papuntang Japan noong Nobyembre 2 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Mungkahi nitong bumiyahe sa ibang bansa para bisitahin ang kanya umanong asawa na isang Japanese national na nakatira sa Nagoya. Bilang bahagi ng basic requirements na hinihingi para sa mga papaalis na immigrants, ipinakita niya ang isang Commission on Filipino Overseas (CFO) Guidance and Counseling Program (GCP) Certificate, subalit kalaunan ay napag-alaman ng mga officer na ang dokumento ay peke.
   “Our officers saw inconsistencies in her document, prompting them to submit it for verification with the CFO,” saad ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Nagsagawa ang BI-CFO joint system ng real-time verification, at nakumpirma na ang kanyang ipinakitang certificate number ay hindi na nag-e-exist.

Sa follow-up interview, inamin ng biktima na binili niya ang dokumento sa fixer na nakilala niya online para kanya sanang pag-alis patungo sa ibang bansa.

Binalaan ni Viado ang mga biyahero kaugnay sa pagtanggap ng alok ng mga fixer sa social media.

Dinala ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa pinagkuhanan niya ng pekeng dokumento.