November 21, 2024

CICC NAGBABALA SA PUBLIKO VS E-WALLET PHISHING SCAM

BINALAAN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang publiko na maging maingat sa mga text message na ipinapadala ng mga walang prinsipyong indibidwal na nagpapanggap na e-wallet entities.

Ayon kay CICC Director Alexander Ramos, na-monitor ng ahensiya ang bagong modus operandi kung saan nakatatanggap ang users ng text na nagpapanggap na sila ay mula sa e-wallets upang paalalahanan sila na i-update ang kanilang accounts sa pamamagitan ng isang link, kung hindi ito ay isasara.

Subalit inihayag ni Ramos na ang pag-click sa bogus links ay nagbibigay ng access sa mga scammer sa mga account ng mga user, para i-hijack at i-takeover ang kanilang e-wallets.

“With all the raids sa POGO scam centers, magbabago ng technique ang natitirang operators…Na-detect namin nag-uumpisa sila mag-proliferate ng messages in the disguise of SMS message coming from GCash and Maya,” saad ni Ramos sa Kapihan sa Manila Bay.

Nagsimulang kumalat ang scam message nitong long weekend para sa paggunita noong Undas sa ilang lugar kabilang ang Quezon City at Makati.

“Ito ay isang particular device na illegal na pinasok sa Pilipinas. Para itong text blaster on the move. Nagp-project sya ng messages at tine-take over ang signal,” aniya.

“Sa ating mga kababayan for this Christmas Season, wag kayo madadala sa alarming messages coming from Gcash or Paymaya. They are coordinating with the DICT and with the NTC,” dagdag pa niya.

Samantala, tumugon si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz habang sinasagot ang mga katanungan ng mga mamamahayag na may kinalaman sa mga isyu ng POGO sa pagdalo nito sa Kapihan sa Manila Bay.

Ayon kay Cruz, inaasahang ilalabas ngayong linggo ang executive order (EO) na nagtatakda ng mga alintuntunin na nagbabawal sa operasyon ng POGO sa bansa.

“Palabas na ang EO. I think within the week,” pahayag ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz sa Kapihan sa Manila Bay. “It’s more of magiging policy, how we will approach, what agencies are involved. Para alam ng bawat isa kung ano ang magiging trabaho nila and after ng EO, maglalabas sila ng marching orders para sa specific agencies,” dagdag ni Cruz.

Sinabi rin nito na may 200 POGO workers na nakatakdang ilipad pabalik sa kani-kanilang bansa.