October 22, 2024

PINTOR ARESTADO SA P1.3-M SHABU

NASA mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matimbog ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, Lunes ng gabi.


Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Jerome”, 31, pintor ng Brgy. 18 ng lungsod.


Nabatid na bago ang pagkakaaresto sa suspek ay unang nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta umano nito ng ilegal na droga kaya isinailalim nila ito sa validation.


Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-7:22 ng gabi sa Kawal St., Raffle 2, Brgy. 28, matapos umanong bentahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.


Nakumpiska sa suspek ang nasa 201 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P1,366,800 at buy bust money na isang P500 bill at 6-pirasong P1,000 boodle money.