December 23, 2024

Ang Pagbabalik ni Hen. Douglas MacArthur

WALONG dekada na ang nagdaan noong 20 Oktubre 1944 Biyernes ay lumapag sa baybayin ng Palo, Leyte ang puwersa ng mga Amerikano at Pilipino sa pangunguna ni Hen. Douglas MacArthur (1880-1944), dito naisakatuparan ng heneral ang kanyang pangakong “I shall return” sa utos ni Pangulong Franklin Delano Roosevelt (1882-1945) ng Estados Unidos noong 1942. Kasamang dumating ay sina Pangulong Sergio S. Osmeña (1878-1961) ng Pilipinas at US Resident Commissioner Carlos P. Romulo (1899-1985). Kasama din ng heneral ang sandatahan na kinabibilangan ng pitong daang barko na may sakay na mahigit 174,000 mga sundalong Amerikano.

Ang pangyayaring iyon ay sinundan ng digmaan sa pagitan ng mga Amerikano at Hapones na tinawag na ‘Battle of Leyte Gulf’ na itinuturing na isa sa pinakamalaking naval battle sa kasaysayan noog Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Larawang kuha ni Gaetano Faillace (1904-91) ang pinagbatayan
sa pagtatayo ng mga bantayog.

Noong 12 Hulyo 1977 sa bisa ng Letter of Instructions No. 572 ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. (1917-89) ay idineklara ang lugar bilang Pambansang Liwasan. Samantala ang bantayog ni MacArthur at ng kanyang mga kasamahan ay dinisenyo ng iskultor na si Anastacio Caedo (1907-90) at pinasinayaan noong 1981.

Ngayong taon sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Leyte ang tema ng pagdiriwang ay “Bayani Ng Kahapon, Dakilang Huwaran ng mga Kabataan Ngayon” (Yesterday’s Heroes, Today’s Inspiration for the New Generation).

Nagkaroon ng Photo Exhibit tampok ang mayamang kultura at kasaysayan ng Leyte na ginanap sa View Deck, MacArthur Landing Memorial National Park. Gayundin ang libreng panonood sa liwasan ng mga pelikulang ‘Honor: The Legacy of Jose Abad Santos’ (2018) sa direksyon ni Bani Logroño ng Bani Logroño Film, ‘Aishite Imasu 1941: Mahal Kita’ (2004) sa direksyon ni Joel C. Lamangan ng BAS Films, at ‘Quezon’s Game’ (2018) sa direksyon ni Matthew Rosen ng ABS-CBN Film Productions at Kinetek Productions.

Sa araw ng anibersaryo ay ang sumusunod ang talatakdaan ng gawain: Sunrise Ceremony of the Filipino Veterans, Leyte Gulf Landings Commemorative Program, Road to Leyte: Re-enactment of the Leyte Landing, Ribbon Cutting of the War of our Fathers – A Brotherhood of Heroes: An Exhibit Dedicated to our Veterans, Banda Rayhak: Marching Band Competition, An Liberasyon Han WWII: A Group Mine Competition Awarding, at Sunset Ceremony and Serenata at the Park.