October 12, 2024

Robbery duo nadakip sa hot pursuit operation ng Teresa MPS

MATAGUMPAY na naaresto ng mga operatiba ng Teresa Municipal Police Station ang dalawang holdaper sa isang hot pursuit operation matapos mangbiktima sa Barangay San Roque, Teresa Rizal.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Edmon, 33, may live-in partner, at alyas Brian, 34, parehong residente ng  Taytay, Rizal, na nasukol ng mga rumespondeng tauhan ng Teresa MPS sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.

Ayon sa report, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng La Trinidad, Barangay San Roque, Teresa, Rizal nang biglang sumulpot ang mga suspek na sakay ng motorsiklo saka siya tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap.

Sapilitang kinuha ng mga suspek ang relo ng biktima at wallet na may lamang P5,500 saka tumakas patungong Antipolo City,

Agad namang nagsumbong ang biktima sa Teresa MPS at nang magsagawa ng hot pursuit operation ang pulis ay namataan ang mga suspek sa kahaaban ng Brgy. San Jose, Antipolo City. Kaya naman binuntutan nila ito at tuluyang nasakote ang mga suspek sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal, na positibong kinilala ng biktima.

Mabilis na pinosasan sina Edmon at Brian at natagpuan sa kanila ang isang piraso ng revolver, anim na bala, ang mga pag-aari ng biktima  na relo, coin purse, cellphone, dalawang bag, IDs, motorsiklo na ginamit sa panghoholdap, at pera.