December 23, 2024

Ang Teleseryeng Pilipino Bilang Pagpapahalagang Moral

SA mahabang panahon ay bahagi na ng kulturang Pilipino ang panonood ng mga seryeng pantelebisyon o teleserye.Dahil sa pagkaaliw at takbo ng mga pangyayari sa teleserye ay patuloy na tinatangkilik ng mga Pilipinong manonood. Ang panonood sa telebisyon ay nagsilbing pangunahing libangan ng mga Pilipino upang pansamantalang makalimot sa mga personal na problemang nararanasan sa lipunan.

Noon ang mga kuwento ay kadalasang mababasa sa mga akdang pampanitikang naililimbag sa mga pahayagan, magasin, at komiks. Ang mga kuwento ay sinusundan sa bawat isyu ng paglalabas ng iba’t ibang publikasyon.

Sa pagdating ng radyo ang ilan sa mga akda ay nagawang maisatinig na tinangkilik ng mga Pilipino. Mas naramdaman ang mga pangyayari sa mga mensaheng nais ipahatid sa mga tagapakinig. Mula umaga hanggang gabi ay nagkaroon ng iba’t ibang mga dulang panradyo.

Sa pagdating ng teknolohiya ng telebisyon ay mas napukaw ang interes ng mga manonood. Ginamit itong behikulo upang makita ang bawat yugto o serye ng mga pangyayari sa kuwento gamit ang telebisyon kaya tinawag na ‘teleserye’.

Nagkaroon ng iba’t ibang paksa o genre ang teleserye at naging mas malawak at makulay ang biswal na mga imahe sa bawat palabas.

Nanguna sa paggawa ng mga makabuluhan at de kalidad na mga teleserye ang mga istasyong ABS-CBN, GMA, at TV5. Ang mga nabanggit na kumpanya ay naglalaan ng malaking pondo para sa produksyon upang maitanghal ang mga teleseryeng aakit at susundan ng mga manonood. Pinipili din nila ang mga mahuhusay na aktor na gaganap, at mga direktor na mangunguna upang maisagawa ang proyekto. Dagdag pa ang mga script writers na siyang magsisilbing pinakakalululuwa sa takbo ng mga pangyayari. At ang mga teknikal kagaya ng mga editor upang mas maakit ang mga manoood sa mga graphics at special effects.

May mga pagkakataon na ginagamit din sa pag-aaral at maging ang ilang tagpo sa pagkaklase kaugnay sa mga paksang aralin sa mga mag-aaral. Nakakatulong ang mga ito upang magsilbing mabuting halimbawa sa iba’t ibang mga isyu na tinatalakay.

Ang mga teleseryeng makabuluhan at pinagbuhusan ng mga ideya at malikhain ay binibigyan ng mga parangal mula sa iba’t ibang institusyon at samahan. Ang mga ito ay upang magsilbing inspirasyon sa mga tagapagtangkilik at manonood sa paghahatid na mga de kalidad na programa.

Mahalaga anng pagpapahalagang moral sa mga teleserye tungo sa pagiging malakas, matatag, at makabuluhan ng bawat ipinalabas.  Ang pagpapahalaga ay anumang bagay na naging katanggap-tanggap, kaibig-ibig, kaakit-akit, kapuri-puri, kahanga-hanga, at nagbibigay ng inspirasyon sa mga manonood na nagbubunga ng magaan at kasiya-siyang pakiramdam.

Sa panonood ng mga palabas kagaya ng mga teleserye ay nasusuri at napagmamasdan ang mga kilos o galaw na maaaring maiugnay o gayahin ng mga manonood. Ayon kay Bandura (1977) ang pagkatuto ay maaaring mangyari bunga ng pagmomodelo, panggagaya, at obserbasyon o pagmamasid kahit na walang pagbabago sa ugali ng tao. Ginagamit ng mga guro sa pormal na edukasyon ang kapangyarihan ng pagmamasid upang masuri at maipakita ang mga pag-uugali, konsepto, at mga paraan sa paglutas ng anumang suliranin.

Ayon kay Leschak (2018) ang lahat ay maaaring maging tagapanood ng telebisyon, ng orasan ng oras, ng trapiko sa freeway. Subalit iilan lamang ang mga tagamasid. Bagamat marami ang nakatingin, hindi lahat ay nakikita. Mahalaga ang maging mapanuri sa mga pinapanood upang higit na maunawaan sa mas malalim na konteksto ang mga mensaheng ibig ipahatid ng bawat teleseryeng napapanood.

Sa pag-aaral naman ni Jimenez (1991) ay kanyang tinukoy ang pagpapahalagang panlipunan, pangkabuhayan, at ang implikasyon nito sa pagpapaunlad ng bansa. Sa pamamagitan ng panunuring palarawan ay sinuri niya ang mga akda batay sa teorya na maaaring mailapat sa teatro, pelikula, at mga programa sa telebisyon kabilang na ang mga teleserye.

Ayon kay Quijano (1997) na sumuri sa mga kuwentong pambata ay nagtataglay ng makabuluhang aral ay kanyang natuklasan na ang mga paksang maka-diyos, makabayan, makatao, at makakalikasan ay nakapaloob sa mga kuwentong pambata. Kung mapapansin ang mga ganitong paksa sa mga teleserye ang higit na pinapanood ng mga kabataan na sumasalamin sa pagiging mabuting mamamayan.

Sa pangkalahatan ang lahat ng mga kaugnay na mga literatura at pag-aaral mula sa mga lokal at banyagang mananaliksik ay naglalarawan na ang mga seryeng pantelebisyon o teleserye ay naging bahagi ng buhay sa maraming aspekto. Nagpapatunay rin na ang panitikan ay patuloy na umuunlad sa iba’t ibang porma at henerasyon na kabilang na ang mga teleserye.