January 13, 2025

PASAY SCAM HUB ITINULOY NG ILANG FILIPINO – PAOCC

Sinabi ng isang opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ilang Pinoy ang itinutuloy ang operasyon ng mga scam farm sa harap ng mga isinasagawang operasyon laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“Ang nakakatakot ‘yung indigenous scam farm na ang nagpapatakbo ay mga Pilipino. Ito na nga ang nakikita natin. May mangilan-ngilan nang sumusubok,” ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes.

“Ang tanong bakit? Kasi napakalaki ho ng pera,” dagdag niya.

Ayon pa kay Casio may mga online fraud at online scam networks ang sinalakay ng mga awtoridad na mga makapangyarihang Pilipino ang nagpapatakbo.

“Puwedeng may makita rin tayong mga Pilipinong mga tumulong po rito, sapagkat may nakikita kaming link sa ilang mga Pilipinong makapangyarihan puwedeng nagma-may-ari at nagpapaupa sa Kimberhi Building,” ayon kay Casio.

“Na-realize na po ng Commission ‘yan. Napag-usapan na ng mga direktor ‘yan at napresenta na po namin kay Executive Secretary na darating ang panahon na itong mga Pilipino, matututo at matututo, makakaipon ng sapat na pondo, lakas ng loob, network, koneksyon, at sila na ang magsisimula,” dagdag pa niya.

Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., idineklara niyang bawal na ang lahat ng POGO. Iniutos ng pangulo na tapusin ang lahat ng POGO operations sa katapusan ng taon.

Ayon kay Casio, nadiskubre nila na isang Internet Gaming Licensee (IGL) firm, o POGO sa Pasay City na may permit to operate ang tila walang plano na itigil ang operasyon.

Nang salakayin ang opisina noong nakaraang linggo, nalaman na may mga Pilipino na bagong kinuhang empleyado.

“Nung ininterview ko ‘yung mga Pilipino, kailan ka na-hire? Three days ago. Kelan ka na-hire? Four weeks ago. Ikaw, anong ginagawa mo doon? I was there for an interview,” kuwento ni Casio.

Sinalakay umano ang establisimyento matapos makatanggap ng impormasyon na may illegal POGO operation sa lugar. Ikinagulat nila na mayroon itong lisenya bilang IGL.

Ayon kay Casio, kasama sa POGO ban ang mga IGL.