November 23, 2024

5 holdaper na tirador ng gasolinahan, arestado

SWAK sa selda ang limang umano’y miyembro ng robbery hold-up group na tirador ng mga gasolinahan sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Valenzuela police sa Navotas City at Bulacan.

Sa isinagawang press conference sa Valenzuela City Police Station sa pangunguna nina Mayor Wes Gatchalian, National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., at Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban na unang hinoldap ng mga suspek ang Nation Gasoline Corporation sa Rizal Avenue Ext., Brgy. 48, Caloocan City noong September 22, 2024 dakong alas-2:40 ng madaling araw kung saan nakatangay ang grupo ng P10,000 cash at isang cellphone.

Sunod umanong hinoldap ng mga suspek ang Shell Gas Station sa kahabaan ng C3 Dalagang Bukid, Kaunlaran Village, Brgy. 14, Caloocan City noong September 25, alas-3:55 ng madaling araw kung saan nakatangay ang mga ito ng P2,000.

Nitong September 29, 2024 nang holdapin naman ng mga suspek ang Phoenix Gas Station sa M. H. Del Pilar, Brgy. Malanday, Valenzuela City bandang alas-3:10 ng madaling araw.

Natangay ng mga suspek ang P10,000 cash sa cashier booth, cellphone ng biktima na si alyas Robert, fossil wristwatch at P2000 cash sa biktimang si alyas Kenneth.

Kaagad namang bumuo ng team si Col. Cayaban at sa isinagawang follow-up operation ay naaresto ang apat na suspek sa Navotas City habang sa Bulacan naman naaresto ang isa pang suspek.

Nakumpiska sa mga suspek na pawang residente ng Lungsod ng Navotas ang ginamit na gateaway vehicle na isang gray Suzuki APV van, isang caliber .38 revolver na may bala at isang patalim.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery with Violence and Intimidation Againts Persons under Art. 294 of the RPC habang karagdagan na kasong paglabag sa RA 10591 at BP 6 ang kakaharapin pa ng isa sa kanila.