December 23, 2024

Veinte Reales–Lingunan MEGA Pumping Station sa Valenzuela, binuksan

PINABASBASAN at pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangungina ni Mayor WES Gatchalian ang  ika-25th pumping stations ng Valenzuela City sa Barangay Veinte Reales at Lingunan upang mabawasan ang pagbaha sa mga lugar na ito sakaling may malakas na ulan na dala ng bagyo.

Dahil sa climate change at global warming, ilang bahagi ng lungsod ang madaling lumubog sa baha, lalo na ang mga low-lying at catch basin barangay.

Ang PhP 400 Million Veinte Reales–Lingunan MEGA Pumping Station ay mayroong 4 na submersible 2.0㎥/s pump — 8㎥/s sa kabuuan, 4 na unit ng 500kva generator sets, at 2 floodgates na mabilis na nag-aalis ng dumi sa wastewater.

Hinihikayat ni Mayor WES ang mga mamamayan na maunawaan na ang pumping station ay isa lamang sa kanilang mga proyekto sa pagkontrol sa baha at sila ay nagtatrabaho ng higit pa.

“Sa sitwasyon natin ngayon sa climate change, sa global warming na nangyayari sa buong mundo ay hindi natin maiiwasan pa rin ang pagtaas ng tubig…. Kaya po hinihingi namin ang inyong konting pang-unawa, ang importante sa amin ni Kap. Jojo ay ang main road po ay magawa na… at uunti-untiin po natin tapusin ang mga looban na kalye. Hindi lang po [ito] sa Veinte Reales, [kundi] sa buong Valenzuela.” Ani Mayor WES.

Bukod sa MEGA pumping station, hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ang Pamilyang Valenzuelano na iwasang magtapon ng basura sa mga kanal at laging maghanda sa mga darating na kalamidad.