LAGLAG sa selda ang tatlong lalaki matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang tangkain takasan ang mga pulis na sumita sa kanila dahil sa paglabag sa ordinansa sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Police Sub-Station (SS15) nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila dakong alas-2:50 ng madaling araw at inginuso ang hinggil sa umano’y nagaganap na transaksyon ng iligal na droga sa Gov. Eusebio St. Brgy. 184.
Nang puntahan ng mga pulis, nakita nila ang dalawang lalaki na kapwa nagyoyosi at tumutugma sa inilarawan ng concerned citizen kaya nilapitan nila ang mga ito para isyuhan ng ticket dahil sa paglabag sa ordinansa ng lungsod.
Gayunman, nang mapansin ng dalawa ang kanilang presensya ay tumakbo ang mga ito kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa magawang makorner at maaresto.
Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek na sina alyas Batak at alyas Bangag ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng nasa 8 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P54,400.
Bandang alas-2:50 ng Martes ng madaling araw nang masita naman ng mga tauhan ng Camarin Police Sub-Station ang 21-anyos na lalaki dahil walang suot na damit habang pagala-gala sa Pili St., Area D, Camarin, Brgy., 178 subalit, nang isyuhan nila ng tiket ay tumakbo umano ito sa kabila ng babala nila na huwag tumakbo.
Matapos ang ilang sandaling habulan ay nakorner ng mga pulis ang suspek at nasamsam nila sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng aabot 10.4 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P70,720.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA