November 23, 2024

2 PANUKALANG BATAS NA MAGPAPALAKAS SA PAGKILALA SA WEST PH SEA ISINUSULONG NI TOLENTINO

IGINIIT ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na palalakasin ang pagkilala sa ‘West Philippine Sea’ sa ating bansa at sa international community kapag naisabatas ang panukalang Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act.

Ang dalawang panukalang batas, na si Tolentino ang may akda, ay nagsusulong sa soberanya at territorial integrity ng bansa.

“Mas lalawak ang pagkilala sa terminong ‘West Philippine Sea.’ Sa unang pagkakataon ay papangalanan ito sa ating batas, na dati’y sa pamamagitan ng Executive Order lamang,” paliwanag ni Tolentino sa lingguhang Kapihan sa Manila Bay na pinamumunuan ng mamamahayag na si Marichu Villanueva.

“Kapag naipasa ay isusumite ng pamahalaan ang dalawang batas sa United Nations, at sa International Maritime Organization (IMO), at ICAO (International Civil Aviation Organization), na sya namang mamamahagi ng mga ito para sa kaalaman ng mga bansang miyembro nito,” dagdag pa nya.

Bagama’t ang dalawang panukala ay maituturing na ‘domestic laws,’ nakapaloob naman umano rito ang mga prinsipyo ng international law, partikular ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang makasaysayang 2016 Hague Arbitral Ruling, na pumabor sa Pilipinas, habang nagbasura sa kontrobersyal na nine-dash line claim ng China.

“Unti-unti ay inilalagay natin ang mga prinsipyo ng international law sa konteksto ng Pilipinas sa pamamagitan ng paglilinaw sa ating territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone, sea bed, at iba pa,” ayon kay Tolentino, pangunahing may-akda at sponsor ng dalawang panukala.

“Kung inyong mapapansin, parami na nang parami ang mga bansang sumusuporta sa atin. Habang mas marami ang kumikilala sa mga isinusulong nating doktrina, mas makakatulong ito sa ating pambansang interes,” dagdag ng senador.

Samantala, pinabulaanan ni Tolentino ang ispekulasyon na palalalain lang ng dalawang panukala ang sitwasyon sa mga teritoryo ng bansa na inaangkin ng China.

“Wala tayong intensyon na manghamon o magpataas ng tensyon, sa halip, ito’y dapat ituring bilang imbitasyon para kilalanin ang pandaigdigang kaayusan at batas,” diin nya.

“Kung mayroon man itong patataasin, ito ay ang dangal at nasyonalismo ng mga Pilipino.”

Bilang halimbawa, aniya, ay magsisimulang kilalanin ng mga airline at shipping line ang West Philippine Sea, imbis na tukuyin ito bilang bahagi lamang ng South China Sea.

Ngunit higit sa pagkilala sa pangalan, palalakasin din ng mga batas ang paggigiit ng Pilipinas sa karapatan at soberanya nito sa mga maritime fearures, gayundin sa yamang enerhiya at mga mineral na nakapaloob dito, na aniya’y pagmamay-ari ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ng mga Filipino.