NAMAHAGI si Pangulong Bongbong Marcos ng P7,500 cash assistance sa mga rehistradong mangingisda sa Navotas, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong Septembre 13.
Ang P43,415,000 na pondo sa ilalim ng Presidential Assistance to Fisherfolks Affected by Oil Spill ay ipapamahagi sa humigit-kumulang 4,000 Navoteñong mangingisda na nakikibahagi sa small and medium-scale fishing.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Mayor John Rey Tiangco ang kanyang pasasalamat sa mga programa ng Pangulo na pinakikinabangan ng mahihirap na sektor, partikular sa industriya ng pangingisda.
“Ibang mag-birthday ang ating Pangulo. Imbes na tayo ang magregalo sa kanya, tayo pa ang binigyan niya ng tulong, at personal n’ya pa itong iniabot sa atin. Buong Pilipinas man ang kailangan niyang intindihin at paglingkuran, hindi niya nakakalimutan ang mga Navoteño,” ani Mayor Tiangco.
Ang kabuhayan ng mga mangingisda ng Navotas ay lubhang naapektuhan ng mga bagyo, habagat, at oil spill sa Bataan at Cavite.
Dagdag pa, ang nasirang Tangos-Tanza Navigational Gate na lalong nagpakumplikado sa kanilang trabaho, na nagdulot ng mga pagkaantala at pagtaas ng mga gastos.
“Bukod sa handog niyang tulong pinansyal sa ating mga mangingisda, nagpapasalamat din tayo sa agarang pag-aksyon ng ating Pangulo para maayos ang ating floodgate. Nakita niya na hindi lang pagbaha ang dulot nito sa Navotas, naabala rin ang hanapbuhay ng ating mga mangingisda,” sabi ni Tiangco.
Ang iba pang mga mangingisdang benepisyaryo ay bibigyan ng cash aid sa Setyembre 19 at 20.
Binigyang-diin din ni Mayor Tiangco ang malaking epekto ng P29 Rice Program at Kadiwa ng Pangulo sa pagbibigay ng mga pamilyang Pilipino ng access sa abot-kayang pagkain, na tinitiyak na kahit na ang mga sambahayan na may mababang kita ay matutugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa gitna ng pagtaas ng presyo.
Samantala, 1,000 registered persons with disabilities (PWDs) sa Navotas ang tatanggap ng P5,000 cash assistance sa Biyernes, bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulo.
Ang mga natitirang PWD na nakarehistro sa Persons with Disability Affairs Office ay tatanggap ng P3,000 sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program.
Binigyang-diin ni Cong. Toby Tiangco ang pangako ng administrasyon na tulungan ang mga higit na nangangailangan.
“Hindi lang sa Metro Manila, kundi sa buong bansa, mas ramdam natin ngayon ang mga programang nakatutok sa pagbibigay ng tulong sa mahihirap tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at AKAP,” pahayag ni Cong. Tiangco.
Ngayong taon, may kabuuang 10,541 Navoteño na ang nakinabang sa programa ng AKAP.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA