December 24, 2024

DBM NAGLABAS NG P31.93-B PARA SA PAY HIKE DIFFERENTIAL NG GOV’T WORKERS

INILABAS na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P31.93 bilyon na salary increase differential para sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Naibigay na sa 257 departamento at ahensiya ang nasabing pondo nitong Martes ng hapon habang pinoproseso pa ang 58 iba pa.

“We are doing everything we can so that we can release the budget to all agencies as soon as possible. Ito po ‘yung pinakahihintay ng ating mga kasamahan sa gobyerno,” ayon kay Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman.

“Of course, we also urge the heads of the departments and agencies to distribute immediately the salary differential since ‘yung increase po is retroactive starting January of this year,” dagdag pa ni Pangandaman. 

Ang salary increase ay base sa Executive Order No. 64 na inisyu ni Pangulong Bongbong Marcos noong Agosto 2. Ito ang una sa apat na tranches. Ipatutupad ang ikalawang tranche sa Enero 1, 2025; ikatlo sa Enero 1, 2026; at ang huli ay sa Enero 1, 2027.