November 23, 2024

2 tulak tiklo sa Navotas drug bust, higit P.1M droga nasabat

NASA mahigit P.1M halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang tulak ng illegal na droga matapos matimbog ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.

Sa ulat ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Navotas police Chief P/Col. Mario Cortes, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbibenta ng shabu ni alyas Pilay, 48, ng lungsod kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang report, ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr. ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-2:19 ng madaling araw sa Lourdes Compound, Brgy., Daanghari.

Nakumpiska sa suspek ang aabot 10.47 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P71,196 at buy bust money.

Alas-2:12 ng madaling araw nang matimbog naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Azucena St., Brgy., Tanza 2, si alyas Toto, 46, ng lungsod.

Ayon kay Capt. Rufo, nakuha kay ‘Toto’ ang humigi’t kumulang 5.78 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P39,304 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.