November 26, 2024

Tulak tiklo sa P204K shabu sa Valenzuela

KALABOSO ang isang hinihinalang drug pusher matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nexon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas Boss, 48, ng Bahay Pari, Brgy., Gen. T De Leon.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cayaban na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga ng suspek.

Agad bumuo ng team ang SDEU saka ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa kanto ng Independence at L. Bernardino Sts., Brgy. Gen. T De Leon, dakong alas-10:05 ng gabi matapos bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang operatiba na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P204,000, buy bust money na isang P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money, belt bag, cellphone at P200 recovered money.

Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.