November 24, 2024

IMMIGRATION LOOKOUT INILABAS VS HARRY ROQUE, 11 IBA PA

NAG-ISYU ang Department of Justice ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque at 11 iba pang indibidwal.

Inilabas nitong Agosto 6, sa nasabing lookout bulletin order, iniutos sa Bureau of Immigration (BI) personnel na iulat sa mga awtoridad ang anomang pagtatangka ng mga suspek na lumabas ng bansa sa kabila ng pagkakasangkot  ng mga ito sa Lucky South 99 Corp., ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na sinalakay sa Pampanga.

Kabilang din sa lookout list ay sina Katherine Cassandra Li Ong, Xiang Tan, Jing Gu, Stephanie B. Mascareñas, Michael Bryce B. Matareñas, Zhang Jie, Duanren Wu, Raymund Calleon G. Co, Randel Calleon G. Co, Dennis L. Cunanan at Han Gao.

“Considering the gravity of the possible charges, as well as the wide media coverage and public attention this has gained over the past months, there is a strong possibility that the abovementioned nationals may attempt to place themselves beyond the reach of the legal processes of this Department by leaving the country,” mababasa sa order.

“Hence, we deem the issuance of an Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) against the subject persons in order to at least monitor the itineraries of their flight, travel, and/or whereabouts,” dagdag pa dito.

Tinawag naman ni Roque na isang political harassment ang paglalagay sa kaniya sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) dahil wala umanong matibay na ebidensiya na nag-uugnay sa kaniya sa mga iligal na gawain.

Layon lang daw umano nitong patahimikin siya bilang kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon pa kay Roque, wala siyang balak umalis ng Pilipinas at handa siyang harapin ang lahat ng alegasyon na may kaugnayan sa POGO.