November 23, 2024

Ospital ng Maynila sarado mula Hulyo 31 hanggang Agosto 9 dahil sa COVID-19

Hindi muna tatanggap ng pasyente ang Ospital ng Maynila mula Biyernes Hulyo 31 hanggang Agosto 9 matapos pansamantalang isinara para i-disinfect dahil sa pagtaas ng bilang ng mga health workers nito na tinamaan ng COVID-19. JHUNE MABANAG

PANSAMANTALANG isasasara ang Ospital ng Maynila simula ngayong Hulyo 31 matapos magpositibo ang 15 medical workers nito.

Ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, isasara ang naturang ospital hanggang Agosto 9 para sa pagsasagawa ng disinfection sa naturang ospital.

Aniya na inaalam na rin ang pagkakilanlan ng iba pang healthcare workers na nalantad sa SARS-COV 2, ang virus na dahilan ng COVID-19.

Aniya na 58 katao ang nakasalamuha ng mga infected.

Dahil sa pansamantalang pagsasara ng hospital ay suspendido muna ang lahat ng kanilang serbisyo maliban sa laboratory operations (kabilang ang araw-araw na swab testing at IgG Serology) radiology, animal bite treatment center (para sa magpa-follow up lamang), extreme emergency, at telemedicine, ayon kay Moreno.

Para sa naka-admit sa ospital, sinabi ni Moreno na nariyan pa rin ang mga hospital staff para tugunan ang kanilang pangangailangan.

Payo ng alkalde na sa ibang ospital na pagmamay-ari ng gobyerno na lamang muna magpagamot ang ilan nating kababayan.