November 23, 2024

2 kelot na nasita sa ordinansa, dinampot sa P52K droga sa Caloocan

SA kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki nang makuhanan ng mahigit P50K halaga ng shabu makaraang masita ng mga pulis dagil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Batay sa report, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station (SS-2) sa kahabaan ng 2nd Avenue, Brgy. 120, nang maispatan nila ang dalawang lalaki na lantarang naninigarilyo sa pampublikong lugar dakong alas-11:20 ng gabi.

 Nang lapitan nila para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay kumaripas ng takbo ang dalawa na naging dahilan upang habulin sila ng mga pulis hanggang sa makorner at maaresto.

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek na sina alyas Singhot, 32, at alyas Buang, 35, ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng aabot 7.7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P52,360.00.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 91 65 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.