November 23, 2024

TEAM TANAY DINOMINA ANG PH TRADITIONAL SIKARAN MARTIAL ARTS FESTIVAL SA CEBU

WINALIS  ng team Tanay Sikaran ang lahat ng 4 na kategorya sa Blackbelt Division at nanguna din ang Tanay Sikaran Martial Arts sa lahat ng  combat competition category (White Belt Division) upang dominahin ang idinaos na Philippine Traditional Martial Arts Sikaran Championship Cebu Festival nitong nakaraang weekend.

Tampok sa kampeonato ang gold medal ni Charles Darwin Cuevas  sa Mens Division 18  year-old and up at sa kategorya naman sa Form competition (sayaw)ay halos lahat ng divisions ay nasungkit ng mga Tanay Raven Sikaran artists/ athletes ang laan na medalyang ginto.

“Nagpapasalamat ako sa suporta ng aming LGU sa pangunguna ni Mayor Lito Tanjuatco, kay Vice Mayor RM Tanjuatco at ng Sangguniang Bayan ng Tanay pati na rin sa mga magulang ng mga atleta ng Tanay Sikaran na walang sawang sumusuporta sa laban ng  kanilang mga anak at sa aming koponan. Pagbalik namin sa Manila ay ipi-presenta namin sa  aming butihing alkalde ang overall trophy,” wika ni Tanay Sikaran Raven founder/president Master Crisanto Cuevas (8th Degree Blackbelt) na siya ring General Secretary/ Board of Trustee ng Global Sikaran Foundation (GSF) na itinatag ni Grandmaster Hari Osias Catolos Banaag na naka-base sa Estados Unidos.

Ang prestihiyosong torneo ay nilahukan ng mga pambato ng mga Sikaran Clubs nationwide.

Nagpaabot naman ng pagbati sa magandang resulta ng torneo at sa kampeonato ng Tanay Sikaran team sina Traditional Sports top brass Baba Yuko at Tetsuya Tsuda ng Japan at kanilang hangad pa ang paglawig ng Sikaran traditional sports sa buong Pilipinas at sa mundo. (DANNY SIMON)