November 24, 2024

ROBIN KAY TOLENTINO: MAGBITIW KA NA SA PDP

Para matutukan niya ang mabigat na dagdag na tungkulin bilang Senate majority leader, maaaring kailangang bumitiw si Sen. Francis Tolentino bilang vice president for Luzon at bilang kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP), ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.

Iginiit ni Padilla, ang bagong pangulo ng PDP, na buo ang tiwala niya sa kwalipikasyon at karanasan ni Tolentino para maging mahalagang bahagi ng liderato ng Senado.

“Dahilan sa bagong mandato na inyong hinaharap sa Senado, buong pagpapakumbaba kong iminumungkahi na marahil po ay mas makabubuti ang iyong pagbibitiw bilang opisyal at kasapi ng PDP-Laban. Sa ganang akin po lamang, ang mungkahing ito po ay upang maiwasan din natin ang pagkuwestiyon, kung magkakaroon man, sa ating pagiging patas sa pagtugon sa mga isyu, lalo sa mga usaping pampulitikal,” aniya sa liham niya bilang bagong pangulo ng PDP kay Tolentino.

Sa kasalukuyan, si Tolentino ay vice president for Luzon ng PDP. Si Padilla naman ay nanumpa nitong linggo bilang bagong pangulo ng partido.

Ani Padilla, makakatulong din ang pagbitiw ni Tolentino sa partido upang ipamalas ang pagiging independente ng partido.

“Makakatulong din ang hakbang na ito upang ating ipamalas ang ating paninindigan na tayo ay walang kinikilingan, at nananatiling independente sa ating pagtupad sa ating sinumpaang tungkulin bilang mga mambabatas,” aniya.

“Muli’t muli po, nais kong bigyang diin na wala po akong hangad kundi ang patuloy pang suportahan ang iyong mga mabubuting gawain at misyon para sa ating Inang Bayan,” dagdag ni Padilla kay Tolentino.