December 24, 2024

BAHA SINISI SA RECLAMATION SA BULACAN AT MAYNILA

RECLAMATION pa more! Ito ang sentimyento ng ilang senador sa patuloy na pagbaha sa Kamaynilaan – partikular ang compound ng Senado sa Pasay City sanhi ng kaliwa’t-kanan na reclamation sa Manila Bay.

Sa magkakahiwalay na text messages sa media, ibinunton nina dating Senate President Juan Miguel Zubiri at former Majority Leader Joel Villanueva ang sisi sa puspusang pagtatabon ng bato at buhangin sa malaking bahagi ng Manila Bay.

Partikular na tinukoy ng dalawang mambabatas ang anila’y pagbaha sa Diokno Boulevard malapit sa Senado.

“This, I believe, is the consequence of all the reclamation happening in Manila Bay, wala ng labasan ang flood water dito sa Pasay at Manila,” ani Zubiri

“Babaha at babaha na palagi dyan sa atin tuwing uulan nang malakas,” paliwanag pa ng senador.

Sa panig ni Villanueva, Manila Bay Reclamation projects din ang nakikitang dahilan sa paglubog ng malaking bahagi ng lalawigan ng Bulacan.

“Reclamation pa more!” ayon sa senador sa kanyang text messages sa reporters. .

“Imagine, for the past two years — including this year — we have had this P1-billion a day flood control budget for [the] Department of Public Works and Highways alone — P1B a day. Please tell me if anyone here can see at least an improvement sa mga baha,” patutsada ni Villanueva.

Base sa datos ng  Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sinabi ni Villanueva na laging binabaha ang Calumpit, Hagonoy, Guiguinto, Balagtas, Obando, Bocaue, Malolos, Paombong at Marilao.