November 23, 2024

POGO BAWAL NA SA ‘PINAS – PBBM

TULUYAN nang tinapos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang maliligayang araw ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.

Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), dumagundong ang walang humpay na palakpakan matapos ihayag ni Marcos ang pasyang tuluyan nang ipagbawal ang offshore gaming sa bansa.

“Effective today, all POGOs are banned,” wika ni Marcos sabay utos sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na tiyakin wala na maski isang natitirang POGO hub sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.

“I hereby instruct the Philippine Amusement and Gaming Corporation to wind down and cease the operations of POGOs by the end of the year.”

Inatasan din ni Marcos ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gumawa ng mga hakbang para matulungan ang mga Pilipino mawawalan ng trabaho sa tuluyang pagpapahinto sa POGO.

Naniniwala rin ang Pangulo na ang POGO ang puno’t dulo sa likod ng financial scamming, money laundering, prostitusyon, human trafficking, kidnapping, torture, murder at iba pang aniya’y malinaw pambababoy sa umiiral na batas sa bansa.

“The grave abuse and disrespect to our system and laws must stop. Kailangan na itigil ang panggugulo nito sa ating lipunan at paglapastangan sa ating bansa.”

Kumbinsido rin si Marcos na hindi kayang tumbasan ng kita ng gobyerno mula sa POGO ang perwisyong dulot sa lipunan.