November 23, 2024

SARA MAS PINAGKAKATIWALAAN NG MGA PINOY KEYSA KAY PBBM – SURVEY

KUNG pagbabatayan ang resulta ng pinakahuling survey na pinangasiwaan ng Pulse Asia research group, mas marami ang may tiwala kay Vice President Sara Duterte kesa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa datos ng Pulse Asia, bahagyang sumadsad ang approval at trust rating ni Marcos, habang taliwas naman ang direksyong tinahak ni VP Sara na umarangkada pataas.

Mula 55 percent noong Marso, sumadsad sa 53 percent ang popularidad ng Pangulo noong buwan ng Hunyo. Lumalabas din sa pulso ng mga mamamayan na nabawasan ang bilang ng mga Pilipinong nagtitiwala kay Marcos – mula sa 57 percent, nauwi na lang sa 52 percent.

Halos pumalo naman sa 71 percent – pito sa kada 10 Pilipino – ang may bilib sa kakayahan at naniniwala sa integridad ni VP Sara.

Pinakamalaki ang bilang ng mga nawalan ng tiwala kay Marcos mula sa Luzon at Mindanao region, habang binibit naman si Sara ng mga taga-Metro Manila at Mindanao kung saan nakapagtala ang Pangalawang Pangulo ng 12 percent, at 16 percent dagdag puntos.