November 24, 2024

Warehouse ng tela, medisina nilamon ng apoy sa Tondo

TINATAYANG nasa P19 milyon ang danyos nang tupukin ng apoy ang isang isang commercial area sa panulukan ng Narra at Bambang sa Tondo, Manila kagabi.

Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), dalawang malaking warehouse ang nasunog, kung saan 19 na bodega sa loob ang natupok.

Sa kalsada na lang nakuhang magpahinga ng mga bombero matapos ang pitong oras na pag-apula sa nasunog na warehouse ng mga laruan at medical supplies sa panulukan ng Bambang at Narra sa Tondo, Manila. Kuha ni JHUNE MABANAG

Sumiklab umano ang apoy sa gitnang bahagi ng warehouse.

Agad iniakyat sa ikatlong alarma ang sunog matapos kumalat sa mga katabing bodega.

Pawang mga tela, laruan, medical supplies at furniture ang laman ng warehouse na pagmamay-ari ng isang Xu Jing Feng.

Inaalam pa ang posibleng pinagmulan ng apoy.