NAWAWALA pa rin ang isang mangingisdang Pinoy matapos banggain ng hindi pa tukoy na barko ang kanyang bangka sa West Philippine Sea, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa ulat ng PCG, sinabing kasama ng kinilalang si Jose Mondoñedo ang kanyang kapatid na si Robert Mondoñedo.
Umalis ang magkapatid sa Barangay Wawandue Subic noong Hulyo 1 sakay ng fishing banca (Fbca) na “John Robert” upang pumunta sa kanilang payao na matatagpuan sa kalapit na karagatan ng Sampaloc Point.
Gayunpaman, bandang 3 p.m. noong Hulyo 3, binangga ng hindi pa nakikilalang barko ang bangka ng mga mangingisda.
Nangyari ang insidente sa humigit-kumulang 62 nautical miles sa timog-silangan ng Sampaloc Point at humigit-kumulang 100 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc (Scarborough o Panatag Shoal).
Ayon pa sa PCG, nakaligtas si Robert matapos niyang hawakan ang kanilang payao sa loob ng tatlong araw hanggang sa dumaan ang isa pang bangkang pangisda na Fbca “Irish Mae” sa katubigan at nasagip siya dakong alas-8 ng umaga noong Hulyo 6.
Samantala, hindi pa rin nakikita si Jose.
Inatasan naman na ni Admiral Ronnie Gil Gavan, PCG commandant, ang isa sa kanilang mga sasakyang-dagat, ang BRP Sindangan (MRRV-4407), na magsagawa ng search and rescue (SAR) operation para kay Jose Mondoñedo.
Agad din naglabas ng abiso ang Coast Guard Station (CGS) Zambales sa mga marinero, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga karatig barangay at lokal na mangingisda para makita ang nawawalang mangingisda.
Nagsasagawa naman na ng imbestigasyon ang PCG upang matukoy ang barkong bumangga sa bangka ng mga biktima.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY