November 24, 2024

2 drug suspects timbog sa P169K shabu sa Malabon

NASABAT sa dalawang hinihinalang drug personalities ang mahigit P.1 milyong halaga ng droga matapos maaktuhan ng mga pulis habang nagtitimbang at nagtatarya umano ng shabu sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, magsisilbi ng warrant of arrest ang pinagsamang mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) at NPD-DID sa Blk 15, Lot 35, Phase 2, Area 3, Brgy., Longos kontra sa isang lalaking akusado sa paglabag sa RA 9165.

Dito, naaktuhan ng mga pulis ang akusado, kasama ang isang babae na nagtitimbang at nagtatarya umano ng shabu dakong alas-6:00 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 24.93 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P169, 524.00. 

Ang warrant of arrest laban sa akusado ay inisyu ni Navotas City Regional Trial Court Branch 288 Presiding Judge Ronald Q. Torrijos na may petsang September 27, 2023 para sa paglabag sa RA 9165.

Nakapiit ang mga suspek sa custodial facility unit ng DSOU at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Article II of R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002).