November 24, 2024

PINOY SAMBO ATHLETES SUMAMBOT NG 2 PILAK

BUMALIBAG ng dalawang silver medals ang Philippine Sambo national team mula sa mga pangunahing pambato ng bansa na sina two-time Asian champion Sydney Sy-Tancontian at Paris Open titlist Aislinn Yap sa unang araw ng kumpetisyon ng 2024 Asia-Oceania Sambo Championships sa Forum de Macau Stadium sa Macau, China.

Nakuntento sa runner-up finish ang six-time World medalists matapos silatin ni Feruza Khurozova ng Uzbekistan sa iskor na 1-6 sa women’s over+80kgs division, gayundin ang World No.1 na si Arailyn Abenova ng Kazakhstan na tinalo ng eventual titlist sa semifinal round para makuntento sa bronze medal.

Muling nagbalik sa prestihiyosong kumpetisyon ang 24-anyos na Davaoena multi-medalist kasunod ng isang taon pagkakabankante sa balibagan matapos pagreynahan ang 2019 New Delhi, India at 2022 Jouneih, Lebanon edisyon. Pinagtuunan ng pansin ni Sy-Tanctontian ang pagtatapos nito sa pag-aaral sa University of Santo Tomas at maging abala sa mga gawain ng International Sambo Federation (FIAS) bilang chairperson ng FIAS Athletes Commission.

Naunang makapuntos si Sy-Tancontian sa iskor na 1-0 dulot ng penalty, subalit nakakita ng paraan ang Uzbek samboist na maiikot para makapuntos ng 1-2 patungong grounds para maitala ang 1-6 bentahe.

Napuntusan naman sa huling sandali ng laro si Yap ni Madina Yerzhan ng Kazakhstan sa finals ng women’s under-80kgs para makuntento sa silver medal. Nahigitan ng 26-anyos na 2024 Judo National double gold medalist ang kanyang tansong medalya sa 2023 edisyon sa Astana, Kazakhstan sa parehong kategorya, habang umaasa itong makakapasok sa 2025 World Games sa Chengdu, China sa pagsabak sa women’c combat sambo sa parehong division.

Naniniwala naman si Pilipinas Sambo Federation Inc. President Paolo Tancontian na bagaman maganda pa rin ang ipinakitang performance ng national team mula sa pitong kinatawan ng bansa para sa sports sambo, kung saan na kinapos sa bronze medal bout sina 2019 Southeast Asian Games champion Chino Sy-Tancontian sa men’s under-98kgs, Janry Pamor sa men’s 64kgs at Aumaegel Princess Cortez sa women’s under-59kgs, kinakailangan pa ring mas hasain at palakasin ang kampanya ng bansa sa Asian level, na karamihan ng kampeon sa Worlds ay nanggagaling sa Asian region.

“I consider this a good performance from our athletes compare to last year because we improve a lot in terms of medal we obtain, however we still have a lot of room for improvement and everyday is a learning process becuse Asia is considered a world class level at malakas talaga ito,” pahayag ni Tancontian. “80% of world champion came from Asia, kay may chance na tayo and grabe ang improvement at isa na tayo sa strongest in Asia, na kahit youngest in NSA (nationkal sports association) tayo pero isa na tayo sa powerhouse.”

Aasang makakakuha ng slot sa 2025 World Games para sa combat sports sina Yap, Marianne Mariano (women’s 59kgs), Jomary Torres (women’s 54kgs), Robin Catalan (men’s 58kgs), Godwin Langbayan (men’s 64kgs), at Mcleary Ornido (men’s 71kgs). (DANNY SIMON)