December 24, 2024

ALICE GUO MAARING MAHARAP SA KASONG ELECTION-RELATED OFFENSES – COMELEC

MAARING maharap si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong election offense mula sa Commission on Elections (Comelec) kasunod ng rebelasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na siya at ang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay may magkatugmang fingerprints, ayon kay poll body Chairman George Erwin Garcia.

“Kung may evidence po yes. Election offense for misrepresentation,”  ani Garcia sa isang Viber message nang tanungin kung ang poll body ay maaring magsampa ng kaso laban kay Guo kaugnay sa kanyang Filipino citizenship

Batay sa Certificate of Candidacy (COC) ni Guo nang tumakbo siya bilang alkalde ng munisipalidad ng Tarlac noong 2022 elections, nilagdaan niya ang isang deklarasyon na siya ay isang mamamayang Pilipino, at hindi siya permanenteng residente o isang imigrante sa ibang bansa. .

“Ang isang taong ‘yan ay pupwedeng humarap ng election offense na may three to five years na imprisonment. At the same time, pwedeng maharap ng kasong perjury o…dahil nagsinungaling nga sa isang pinanumpaan na dokumento, kasong falsification [of public document],” ani Garcia sa isang panayam.

Ipinunto din ni Garcia na ang mga batas ng bansa ay naaangkop sa sinuman, maging sila ay Pilipino o dayuhan. Maaari rin aniyang humarap sa kasong kriminal ang isang opisyal ng gobyerno kahit na mahalal.

“Kahit ang isang taong tumakbo ay hindi nafile-an ng kasong disqualification o kanselasyon ng kanyang candidacy, hindi nangangahulugan na siya ay pupwede nang malibre o ma-abswelto sa kahit na anong obligasyon o responsibilidad lalo pa’t ito’y kasong kriminal, lalo na ‘yung tinatawag na misrepresentation,” saad ni Garcia.

Nauna nang isinumite ng Comelec sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang COC at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Guo.

Ayon sa kanyang COC, idineklara ng 37-anyos na si Guo ang Tarlac bilang kanyang lugar ng kapanganakan.

Sinabi rin ni Guo sa kanyang COC na noong araw bago ang halalan sa Mayo 9, 35 taon at dalawang buwan na siyang naninirahan sa Pilipinas at 18 taon at dalawang buwan na siyang naninirahan sa munisipalidad ng Bamban, Tarlac.

Gayunpaman, ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros, na kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang alkalde at si Guo Hua Ping ay iisang tao kasunod ng pag-alam na mayroon silang magkatugmang fingerprints.

Ipinakita rin ng NBI ang larawan ng isa pang babae na may pangalang Alice Leal Guo na may parehong impormasyon sa suspendidong alkalde.

Si Guo ay nasa sentro ng imbestigasyon ng Senado sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Bamban matapos makita ng ilang nasamsam na dokumento na personal siyang sangkot sa pagproseso ng mga dokumento para sa operasyon nito.

Matatandaan na kinuwestiyon din ang citizenship ni Guo dahil sa hindi pagkakatugma ng kanyang mga testimonya tungkol sa kanyang background at mga diumano’y kahina-hinalang dokumento tungkol sa kanyang Filipino citizenship.