September 28, 2024

JC2 SLASHERS SEALION DI SINANTO ANG SAN PEDRO SA SINAG LAKAS@40

BALIK sa winning form ang JC2 Slashers Sealion matapos na hindi santuhin ang San  Pedro Mamba, 84-79 sa pagpapatuloy ng Sinag Lakas @ 40 eliminations nitong weekend sa 3rd Level SM Southmall sa Las Pinas City.

Dikdikan ang magkabilang panig nina JC2 coach John Gonzaga at SP Mamba mentor Chris  Javier kung saan ay dikit ang score 44-42 sa halftime.

Sumiklab ang opensa ni sealion slasher Demie Cruz habang inilatag ni coach Gonzaga ang malagkit na depensa sa kalaban tungo sa pagposte ng panalo matapos ang tatlong  sunod  na talo upang mabuhayan ang JC2 Sealion sa kontensyon ng liga.

Tangan ngayon ng JC2 Slashers Sealion nina Architect Jayzee Gudelano Celestial at Seaman Capt. Jemuel Laron ang 4-4 kartada upang manatili ang kontensyon sa korona ng liga liyebo kwarenta.

Sinelyuhan ni sealion John Elorza ang panalo sa  free shots upang maihandog nito ang wagi sa unang pagsalang ni buwenamanong  coach  Gonzaga .

“Confidence building ang panalo para handa kami sa susunod na makakalaban,”wika ni best player of the game Cruz na kumanada ng 16 pts.-4 rebs at 4 steals kasabay ng kanyang pasasalamat kina team owners Ar Jayzee Gudelano Celestial at Jemuel Isla Laron sa kanilang todo suporta sa team. (DANNY SIMON)