November 22, 2024

3 GOV’T WEBSITE HACKERS TIMBOG NG NBI (Editor ng Manila Bulletin ininguso)

Ihinarap nina National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago at NBI Cybercrime Division Chief Atty. Jeremy Lotoc ngayong araw ang tatlong indibidwal na kanilang naaresto dahil sa pag-hack ng private at government websites, mga bangko at Facebook accounts. (Kuha ni ART TORRES)

TIMBOG ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD) ngayong araw ang isang tauhan ng Manila Bulletin at dalawa pa nitong kasabwat dahil sa umano’y pangha-hack ng Facebook accounts, mga bangko, at mga website ng gobyerno.

Binantayan ng NBI ang mga online activity ng mga suspek upang makaipon ng ebidensya laban sa mga ito.

Ayon sa NBI, ang mga hacker na ito ay gumagamit ng mga alyas na Kangkong, Mirasol, Sibat, Ricardo Redoble, at Lulu sa kanilang mga operasyon at mga parte ng dalawang malalaking hacking groups sa bansa: ang Philippine Lulzec at Globalzec.

Ang mga naaresto ay kinabibilangan ng isang “data officer” ng Manila Bulletin, isang “cybersecurity researcher” mula sa hindi piangalanan kompanya sa BGC at isang graduating student.

Inerekomenda ng NBI ang kaso laban sa mga hacker dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Data Privacy Act of 2012.

“Controlled viewing of the phone seized from one of the Subjects showed contained scripts and databases obtained from LGU and various government websites, as well as Facebook users’ credentials. Moreover, Subject Illusion’s phone contained data related to hacked banks including Philippine National Bank, Security Bank, Banco de Oro, and Union Bank,” ayon sa NBI.

Ayon kay Jeremy Lontoc, hepe ng Cybercrime Division, itinuro ng nahuling Manila Bulletin data officer na ang kanyang editor ang nag-utos sa kanya.

“‘Yung isa po rito ay data officer ng Manila Bulletin. As a matter of fact, ang ina-allege niya base sa kanyang extrajudicial confession, ang may hawak sa kanya, at naguutos sa kanya mag-exploit ng mga system ay editor ng Manila Bulletin,”  ani ni Lontoc.

Sinabi ni Lontoc na ang pagbubunyag na ito laban sa editor, ay isasailalim sa imbestigasyon.