September 28, 2024

Lalaki isinelda sa panghihipo sa dalagita

SWAK sa selda ang 48-anyos na lalaki na dumakma at pumisil sa wetpaks ng isang dalagita matapos siyang maaresto makaraang makahingi ng tulong ang biktima sa kapitbahay nilang pulis sa Caloocan City.

Sa ulat ni P/MSg Marjun Tubongbanua kay P/Col. Nixon Cayaban, hepe ng Valenzuela Police Station, dakong alas-12 ng tanghali nang lumabas ng kanilang bahay ang 15-anyos na dalagita matapos utusan ng kanyang tiyahin na bumili sa kalapit na tindahan sa kanilang lugar sa Brgy. 171, Caloocan City.

Habang naglalakad ang dalagita nang biglang sumulpot sa kanyang likuran ang suspek na si alyas “Macaraeg” at may pagnanasang dinakma at pinisil umano ang wetpaks ng biktima.

Nang lumingon ang biktima, nakita niya ang mahalay at malisyosong pigura ng suspek kaya sa labis na takot ay nagtatakbo itong umuwi para isumbong sa tiyahin ang ginawang kamanyakan ng lalaki.

Ayon pa kay MSg. Tubongbanua, patungo na siya sa Valenzuela Police Station kung saan siya nakatalaga nang masalubong niya ang biktima na nakayapak at nanginginig pa sa takot, kasama ang kanyang tiyahin kaya tinanong niya ang mga ito kung anu ang nangyari.

Matapos namang sabihin ng biktima ang ginawa sa kanya ng suspek at ang itsura saka ang suot nitong damit ay kaagad na tinugis ni MSg. Tubongbanua si ‘Macaraeg’ hanggang makorner, may 100-metro ang layo sa pinangyarihan.

Nanlaban pa at nagtangkang tumakas ang suspek subalit, nagawa siyang padapain ng pulis hanggang tuluyang madakip habang positibo namang kinilala ng biktima si ‘Macaraeg” na siyang nag-manyak sa kanya.