November 23, 2024

2 APO FRAT MEMBERS PATAY, 10 SUGATAN SA AKSIDENTE


PATAY ang dalawang katao habang 10 ang sugatan na kapwa mga miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) Fraternity matapos sumalpok ang kanilang van sa nakaparadang wing van sa national highway sa Malungon, Sarangani kahapon.

Ayon sa ulat, patungo ang mga biktima sa Kidapawan City matapos makilahok sa Rover Vigil na inorganisa ng APO Fraternity sa Glan, Sarangani nang mangyari ang insidente.

Kabilang sa mga nasawi ang 24-anyos na si Allen Peniero ng Carmen at Christian Mark Cordero ng M’lang, kapwa sa lalawigan ng Cotabato Province.

Sa sampung nasugatan, dalawa ang nasa kritikal na kondisyon at nilalapatan ng intensive care sa St. Elizabeth Hospital sa General Santos City.

Ang mga nasugatan na pasahero ay kinabibilangan ng: Kelly Elloise Domingo, 25; Vionel Lumogdang, 24; Erich Vonz Lumogdang, 28; Roger Hunas Jr.; Ricky Jay Diola, 21; JC Denver Pampangan Rosite, 23; Kurt Devon Gregor Asagra, 20; Nashryan Egkayogen; Alden Bacus Magbanu; Zosemo Dela Cruz Crispin, 22.

Pawang mga sugatang pasahero ay mga estudyante ng Central Mindanao Colleges (CMC) at nagmula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cotabato.

Sa inilabas na anunsiyo ng National Administrative Office of APO, binanggit nila na 18 miyembro ang sangkot sa insidente.

“It is with profound sadness that we inform you of a tragic incident involving 18 of our fellow Alpha Phi Omega collegiate members who were returning from the ROVER Scouting event,” mababasa sa anunsiyo.

Sinabi rin nito na nakikipagtulungan na sila sa local authorities at medical personnel upang ibigay ang lahat ng kinakailangan na suporta para makarekober ang mga sugatang miyembro.

“We ask for your thoughts, prayers, and support for all those affected by this tragedy,” dagdag nila.

Sinimulan na rin ng mga miyembro ng APO ang isang fundraising initiative upang ibigay sa mga sugatang indibidwal bilang financial at medical assistance.