INIHAYAG ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero nitong Lunes na ipinag-utos niya ang suspensiyion ng konstruksiyon ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City dahil sa lumalaking gastos bukod sa kailangang magkaroon ng komprehensibong pagsusuri sa naturang proyekto.
Ginawa ni Escudero ang pahayag sa unang flag-raising ceremony bilang pinuno ng ng Senado at ipinaalam sa mga opisyal at kawani ng Senado na maantala ang planong paglipat sa bagong gusali.
“Hindi totoo na makakalipat tayo sa bagong gusali, lupa at building ng Setyembre. Hindi rin totoo na aabot tayo makalipat bago matapos ang taon. Kahit hanggang 2025, sa palagay ko ay hindi pa rin dahil marami pang bagay na kailangang ihanda at maraming bagay din na aming nakita at nagisnan na kailangan pang suriin at pag-aralan,” sabi ni Escudero.
Nagulat at hindi makapaniwala si Escudero sa hindi inaasahang high projected costs para makumpleto ang pagtayo ng bagong gusali. Aniya, ang malaking gastusing ito ay mahirap tanggapin sa gitna ng krisis pang-ekonomiya na kinakaharap ng karamihan sa mga Filipino.
“Nung nakita ko ito, medyo nagulantang ako at hindi ko inasahan na ganun kalaki aabutin ang gagastusin para sa ating magiging bagong tahanan,” sabi ni Escudero.
“Sa aking pananaw, masama ito sa panlasa ng karamihan, lalong masama sa panlasa ng nakararami nating mga kababayan, lalo na sa gitna ng krisis ng ekonomiya at sa kahirapan na nakikita ng marami sa ating kababayan,” dagdag pa niya.
Sa paunang pondong P8.9 bilyon, ibinuyag ni Escudero na ang halaga ng proyekto ay lumobo sa P13 bilyon, na may dagdag na P10 bilyong na kailangan para sa pagkumpleto nito kaya umabot ito sa kabuuhang P23 bilyon.
“Para sa akin, medyo mabigat lunukin at kagulat-gulat naman talaga,” puna ni Escudero.
Bilang tugon sa natuklasang ito, sinabi ni Escudero na inatasan na niya si Senador Alan Peter Cayetano, ang bagong chairman ng Senate Committee on Accounts, na ipagpaliban muna ang anumang bayarin o gawain hanggang hindi nasusuri ang nasabing proyekto.
“Inutusan ko na si Senator Cayetano, base na rin sa kanyang rekomendasyon at sulat, na ipagpaliban muna anumang bayarin o gawain hangga’t hindi natin nasusuri at napag-aaralan,” ani Escudero.
Ayon kay Escudero, ginawa niya ang desisyon matapos makatanggap ang detalyadong ulat at rekomendasyon noong Biyernes mula kay Cayetano kaugnay ng lumalaking gastos, quality issues, at management inefficiencies sa nasabing bagong Senate Building project.
Binanggit sa ulat ni Cayetano ang maraming mahahalagang isyu, kabilang ang kaduda-dudang pagtaas na pondo ng proyekto sa P23.3 bilyon mula sa inisyal na P8.9 bilyon.
Sa preliminary review na isinagawa ng komite, nabunyag ang maraming ‘variations, deviations, and modifications’ ng proyekto na hindi na-validate ng maayos. Ang pagpababagong ito ay nagresulta sa dagdag gastusin na nagkakahalaga ng P833 milyon, na halos 10 porsiyento ng orihinal na contract price.
Bukod diyan, sa ginawang inspeksiyon ng Senate Coordination Team, kinuwestiyon din ang kalidad ng pagkakagawa at pagsunod sa orihinal na ‘term of reference’ ng naturang proyekto.
Nakasaad din sa ulat ang procurement delays at misteps ng project manager, ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na nakaambag sa pagbagal ng proyekto at pagsobra sa gastos nito.
Sa gitna ng inisyal na natuklasang ito, ipinag-utos ni Escudero ang malalimang pagsuri ng proyekto para mapagtuunan ng pansin ang kasalukuyang isyu, mapabuti ang project management at matiyak ang pinakamataas na pamantayan na kalidad at kahusayan ng nasabing proyekto.
Sinang-ayunan din ni Escudero ang rekomendasyon ni Cayetano, kabilang ang pagkilala sa kagyat at pinagbabatayan na problema ng proyekto at obligahin ang DPWH na kuwestiyunin, suriin at linawin ang mga isyung na maari pang itama.
Sa kanyang ulat, ipinaliwanag ni Cayetano ang hakbang ng DPWN ay krusyal sa pagtuloy kung itutuloy pa ng ahensiya at ng contractor, ang HillMarc’s Construction Corporation, ang natitirang bahagi ng proyekto, na may approved budget ng P10.33 bilyon subalit hindi pa naibibigay.
Iminungkahi rin ni Escudero na obligahin ang DPWH na magbuo ng high-level liaison team para sa nasbaing proyekto, na binubuo ng Unified Project Management Office ng ahensiya bilang project manager at ang Bureau of Design para sa tamang koordinasyon.
Pinayuhan din ni Cayetano na magkaroon ng third-party construction management team na tutulong sa paglilinaw at magpapatibay sa proyekto.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY