November 10, 2024

Magkapatid na ‘tulak’ kulong sa P500K shabu sa Caloocan

TIMBOG ang magkapatid na ginang na sangkot umano sa pagtutulak ng droga matapos makuhanan ng mahigit P.5 milyong halaga ng shab sa buy bust operation sa Caloocan City, Martes ng umaga.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas Pinky, 54 ng Brgy. 5 at alyas Lucel, 46 ng Malolos, Bulacan.
Ayon kay Col. Lacuesta, ikinasa ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation kontra sa mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga ito.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P6,500 marked money na kinabibilangan ng isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba sa Jacinto St., Brgy. 5.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 77 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P523,600.00, buy bust money, cellphone at coin purse.


Sinabi ni Col. Lacuesta na sasampahan nila ang mga suspek ng kasong pagsasabuwatan, pag-iingat at pagbebenta ng ilegal na droga sa ilalim ng R.A. 1965 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa piskalya ng Lungsod ng Caloocan.