November 24, 2024

Lalaki na nasita sa paninigarilyo sa Caloocan, kulong sa sumpak

BAGSAK sa selda ang isang lalaki matapos makuhanan ng baril makaraang masita ng ga pulis dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa nakarating na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 2 kahabaan ng 3rd Avenue, Brgy., 118 dakong alas-9:00 ng gabi nang makita nila ang isang lalaki na nagyoyosi sa pampublikong lugar.

Nang lapitan ng mga pulis para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) dahil sa paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod ay tumakbo ang suspek na may bitbit na isang eco bag.

Hinabol siya ng mga pulis at nang makorner ay nakuha sa suspek na si alyas Dodong ang isang green ecobag na naglalaman ng isang improvised gun “sumpak” na kargado ng isang bala ng shotgun.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art. 151 of RPC at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act).