November 4, 2024

‘DI KAMI PROTEKTOR NG POGO – GOV. REMULLA

NAG-ALOK si Cavite Governor Jonvic Remulla ang P10 milyong pabuya sa positibong makapagpapatunay na mayroong siyang kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Itinanggi rin ng naturang gobernador na siya at ang kanyang pamilya ay “protektor” ng mga negosyo na sangkot sa iba’t ibang illegal na aktibidad sa Pilipinas.

Nag-viral ang ilang social media posts na nag-uugnay sa pamilya Remulla sa POGO operations matapos ang Island Cove – dating resort na pagmamay-ari ng naturang angkan sa Cavite – na ibinenta sa Filipino-Chinese businessman, ay ginawa umanong POGO hub.

“Ako po ay handang magbigay ng P10 milyon pabuya para sa sino man na magpapatunay na kami ay may kinalalaman sa kasalukuyang operasyon ng isla,” ani Remulla sa kanyang post sa social media.

“…Na ang aking tanggapan ay may proteskyon na ibinibigay sa mga ito kasama ang Kagawaran ng Hustisya, na ako o sino man sa pamilya ko ay may kaukulang lagda para makakuha ng permit para sa operasyon ng POGO Island,” dagdag pa niya.

Maraming nangamba nang buksan ang 32-hektarya na POGO complex sa Cavite na tinawagan nilang “creeping” Chinese invasion dahil ang dating leisure destination ay nagmistulang kuta sapakat nakatira umano roon ang aabot sa pagitan na 20,000 at 50,000 Chinese workers.

Noong 2018, tumanggi ang pamilya Remulla na magbigay ng detalye sa pagbebenta ng isla, subalit sa social media post kamakailan lang, inihayag ng Cavite Governor na binayaran ang P400 milyon sa capital gains tax matapos ang nangyaring bentahan ng property.

“Matagal na pong wala sa amin ang pag-aari ng dating Island Cove,” aniya.

“1970 po noong nabili ng aking yumaong ama na si Atty. Johnny Remulla ang isla na matatagpuan sa Kawit, Cavite. Taong 1976 noong binuksan ito bilang Covelandia 3. Nagsara ito noong 1985 at muling binuksan noong 1998,” dagdag niya.


“Ito po ay binenta ng aming pamilya taong 2018.”

Matatandaan na itinalaga si dating Rep. Gilbert Remulla – kapatid ng gobernador – bilang director ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) noong 2022.

“Ang permits ng POGO ay ibinigay ng dating PAGCOR noong 2020. Wala po siyang kinalalaman sa permit nito,” paliwanag ng gobernador.

“Ang Remulla Family ay hindi sangkot sa ano mang pasugalan o illegal na aktibidad,” dagdag niya.

Noong 2022, ipinag-utos ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla – isa sa Remulla sibling – sa Naitonal Bureau of Investigation (NBI) na ipatigil ang operasyon ng mga POGO sa bansa matapos makatanggap ng report kaugnay sa “huli-dap” o arrest at extortion activities.

“They kidnap each other. In the end, they will sue each other at the DOJ and in the end, they’ll just settle with each other. So we are just wasting our time. Na-iinvolve lang kami sa mga intramurals na nangyayari sa kanila so we have to stop it,” ayon kay Sec. Remulla sa nakaraang interview.

“We will only act if there is really a police matter that is necessary for us to police or for the NBI to work on pero wag na muna kasi nakakasama,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, nanindigan ang Cavite governor na hindi protektor ng POGOs ang pamilya Remulla.

“Hindi din po kami protector ng kahit sinong dayuhan, lalong lalo na mula sa China,”